Ang lumang kapanahunan ay wala na, at ang bagong kapanahunan ay dumating na. Taun-taon at araw-araw, Nakagawa ng maraming gawain ang Diyos. Siya ay pumarito sa mundo at pagkatapos ay lumisan din. Paulit-ulit na nagpatuloy ito sa maraming salinlahi. Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ng Diyos gaya ng dati ang gawain na nararapat Niyang gawin, ang gawain na hindi pa Niya natatapos, dahil hanggang sa araw na ito ay hindi pa Siya nakápápasok sa kapahingahan. Mula sa panahon ng paglikha hanggang sa kasalukuyan, Nakagawa ng maraming gawain ang Diyos, nguni’t alam mo bang ang gawain na ginagawa ng Diyos sa araw na ito ay lalong higit kaysa mga gawain Niya noon at nasa lalong nakatataas na antas? Ito ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na ang Diyos ay Nakagawa ng isang dakilang bagay sa gitna ng mga tao. Ang lahat ng gawain ng Diyos ay napakahalaga, maging sa tao man o sa Diyos, sapagka’t ang bawa’t bagay sa Kanyang gawain ay may kaugnayan sa tao.
Yamang ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring makita ni mahawakan, at lalong hindi ito makita ng mundo, kung gayon paano ito naging isang bagay na dakila? Anong uri ng bagay ang maituturing na dakila? Tiyak na walang makatatanggi na ang lahat ng gawain ng Diyos ay maituturing na dakila, nguni’t bakit Ko sinasabi na ang gawain na ginagawa ng Diyos ngayon ay gayon nga? Kapag Aking sinasabi na ang Diyos ay Nakagawa ng isang dakilang bagay, walang duda na ito ay kinapapalooban ng maraming hiwaga na hindi pa nauunawaan ng tao. Ating salitain ngayon ang tungkol sa mga yaon.
Si Jesus ay isinilang sa isang sabsaban sa panahon na hindi mapahintulutan ang Kanyang pag-iral, nguni’t hindi pa rin Siya mahadlangan ng mundo, at Siya ay namuhay kasama ng mga tao sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos. Sa maraming mga taong iyon ng pamumuhay, naranasan Niya ang kapaitan ng mundo at natikman ang buhay na puno ng dalamhati sa lupa. Pinasan Niya ang mabigat na pananagutan ng pagkapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Tinubos Niya ang lahat ng mga makasalanan na patuloy na namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at sa wakas, ang Kanyang katawang muling nabuhay ay bumalik sa Kanyang lugar na pahingahan. Ngayon, nagsimula ang bagong gawain ng Diyos, at ito rin ang simula ng bagong kapanahunan. Dinadala ng Diyos sa Kanyang tahanan ang mga tinubos upang masimulan ang Kanyang bagong gawain ng pagliligtas. Sa pagkakataong ito, ang gawain ng pagliligtas ay mas masusi kaysa nakaraan. Hindi ito gagawin ng Banal na Espiritu na kumikilos sa tao upang pahintulutan siyang magbago sa kanyang sarili, ni hindi rin ito gagawin sa pamamagitan ng katawan ni Jesus na nagpapakita sa gitna ng mga tao, at lalong hindi ito gagawin sa ibang paraan. Sa halip, ang gawain ay gagawin at papatnubayan ng Diyos Mismo na nagkatawang-tao. Ito ay ginagawa upang pangunahan ang tao patungo sa bagong gawain. Hindi ba ito isang dakilang bagay? Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing ito na kabahagi ang ilang mga tao o sa pamamagitan ng mga hula, kundi ng Diyos Mismo. Ang ilan ay maaaring magsabi na ito ay hindi isang dakilang bagay at hindi nito mabibigyan ang tao ng lubos na kaligayahan. Gayunman, sasabihin ko sa iyo na ang gawain ng Diyos ay hindi ito lamang, kundi isang bagay na lalong mas malaki at lalong higit pa.
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, kundi ito rin ang katawan kung saan magbabalik ang Diyos. Ito ay isang napaka-ordinaryo na katawang-tao. Sa Kanya, wala kang makikitang anumang kaiba kumpara sa iba, nguni’t maaari kang makatanggap mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi mo pa kailanman naririnig. Ang hamak na katawang-taong ito ay ang pagsasakatawan ng lahat ng mga salita ng katotohanan mula sa Diyos, na siyang pumapasan sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at isang pagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos para malaman ng tao. Hindi ba labis ang iyong pagnanais na makita ang Diyos sa langit? Hindi ba labis ang iyong pagnanais na maintindihan ang Diyos sa langit? Hindi ba labis ang iyong pagnanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng mga lihim na ito na wala pang sinumang tao ang nakapagsabi sa iyo, at sasabihin pa Niya sa iyo ang mga katotohanan na hindi mo nauunawaan. Siya ang iyong pintuan patungo sa kaharian, at ang iyong gabay patungo sa bagong kapanahunan. Ang gayong karaniwang katawang-tao ay nagtataglay ng maraming hindi maarok na mga hiwaga. Ang Kanyang mga gawa ay maaaring hindi mo maabot, nguni’t ang tinutumbok ng lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay sapat upang iyong makita na hindi Siya isang simpleng katawang-tao gaya ng inaakala ng tao. Sapagka’t kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos gayundin ang pangangalaga na ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kahit na hindi mo naririnig ang mga salitang Kanyang sinasabi na tila yumayanig sa langit at lupa, o nakikita ang Kanyang mga mata na tila mga naglalagablab na ningas, at kahit na hindi mo nararamdaman ang disiplina ng Kanyang bakal na pamalo, naririnig mo mula sa Kanyang mga salita ang galit ng Diyos at nalalaman na ang Diyos ay nagpapamalas ng pagkahabag sa sangkatauhan; nakikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang karunungan, at higit sa lahat, natatanto ang pagmamalasakit at pag-aalaga ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita ang Diyos sa langit na namumuhay sa kalagitnaan ng mga tao sa lupa, at bigyang-kakayahan ang tao na makilala, sundin, igalang at ibigin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit nagbalik na Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. Kahit na ang nakikita ng tao sa kasalukuyan ay isang Diyos na katulad ng tao, ang Diyos na mayroong ilong at dalawang mata, at isang di-katangi-tanging Diyos, sa katapusan ay ipakikita sa inyo ng Diyos na kung wala ang pag-iral ng taong ito, ang langit at lupa ay sasailalim sa napakalaking pagbabago; kung wala ang pag-iral ng taong ito, ang langit ay magiging madilim, magkakagulo sa lupa, at ang buong sangkatauhan ay mamumuhay sa taggutom at mga salot. Ipakikita Niya sa inyo na kung wala ang pagliligtas ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, matagal na sanang winasak ng Diyos ang buong sangkatauhan sa impiyerno; kung wala ang pag-iral ng katawang-taong ito, kung gayon kayo ay magiging pinakapinuno ng mga makasalanan at mga bangkay magpakailanman. Nararapat ninyong malaman na kung hindi umiiral ang katawang-taong ito, ang buong sangkatauhan ay mahaharap sa di-maiiwasang kalamidad at mahihirapang makatakas sa mas matinding kaparusahan ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kung hindi isinilang ang karaniwang katawang-taong ito, lahat kayo ay mapupunta sa katayuan kung saan ang pagkabuhay ni ang kamatayan ay hindi darating gaano man ninyo ito naisin; kung wala ang pag-iral ng katawang-taong ito, kung gayon sa araw na ito hindi ninyo makakayang tanggapin ang katotohanan at lumapit sa trono ng Diyos. Sa halip, parurusahan kayo ng Diyos dahil sa inyong mabigat na mga kasalanan. Alam ba ninyo? Kung hindi dahil sa muling pagkakatawang-tao ng Diyos, walang magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan; kung hindi dahil sa pagdating ng katawang-taong ito, matagal nang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan. Kaya, magagawa ninyo pa bang tanggihan ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos? Yamang maaari kayong lubhang makinabang sa karaniwang taong ito, kung gayon bakit hindi ninyo Siya tanggapin nang buong puso?
Ang gawain ng Diyos ay yaong hindi mo maunawaan. Kung hindi mo matarok kung ang iyong desisyon ay tama ni malaman kung ang gawain ng Diyos ay magtatagumpay, bakit hindi mo subukin ang iyong kapalaran at tingnan kung ang karaniwang taong ito ay malaking tulong sa iyo, at kung ang Diyos ay Nakagawa ng dakilang gawain. Gayunpaman, dapat Kong sabihin sa iyo na sa panahon ni Noe, kumakain at umiinom ang mga tao, nag-aasawa at nakikipag-asawa hanggang sa puntong hindi na kayang tingnan ito ng Diyos, kaya Siya ay nagpadala ng malaking baha upang wasakin ang sangkatauhan at iniwan lamang ang pamilya ni Noe na walong tao at ang lahat ng uri ng mga ibon at hayop. Sa mga huling araw, gayunman, yaong mga kinupkop ng Diyos ay lahat niyaong mga naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan. Kahit na ang parehong panahon ay puno ng matinding katiwaliang hindi mabata ng Diyos na masaksihan, at ang sangkatauhan sa parehong kapanahunan ay napakatiwali na itinanggi niya ang Diyos bilang ang Panginoon, ang lahat ng mga tao sa panahon ni Noe ay winasak ng Diyos. Nagdulot nang labis na kapighatian sa Diyos ang sangkatauhan sa parehong kapanahunan, nguni’t nanatiling matiisin ang Diyos sa mga tao sa mga huling araw hanggang sa kasalukuyan. Bakit ganito? Hindi ba ninyo ito pinag-isipan kailanman? Kung talagang hindi ninyo alam, hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo. Ang katuwiran kung bakit kayang pakitunguhan ng Diyos ang mga tao sa mga huling araw ay hindi dahil sila ay di-gaanong tiwali kaysa sa mga tao sa panahon ni Noe o sila ay nagpakita ng pagsisisi sa Diyos, lalong hindi dahil hindi matiis ng Diyos na wasakin ang mga tao sa huling mga araw kung saan ang teknolohiya ay nakasulong. Sa halip, ito ay dahil ang Diyos ay mayroong isasagawang gawain sa isang pangkat ng mga tao sa mga huling araw at ito ay gagawin ng Diyos Mismo na nagkatawang-tao. Higit pa rito, mamimili ang Diyos ng isang bahagi ng pangkat na ito bilang mga pag-uukulan ng Kanyang pagliligtas, ang bunga ng Kanyang planong pamamahala, at dadalhin ang mga taong ito kasama Niya patungo sa susunod na kapanahunan. Samakatuwid, anuman ang mangyari, ang halagang ibinayad ng Diyos ay lubusang para sa paghahanda sa gawain ng Kanyang pagkakatawang-tao sa mga huling araw. Ang lahat ng mayroon kayo sa araw na ito ay dahil sa katawang-taong ito. Dahil sa nabubuhay ang Diyos sa katawang-tao kaya kayo ngayon ay may pagkakataong mabuhay. Ang lahat ng magandang kapalarang ito ay nakamit dahil sa karaniwang taong ito. Hindi lamang ito, kundi sa katapusan ang bawa’t bansa ay sasamba sa karaniwang taong ito, gayundin ay magbibigay pasasalamat at susunod sa hamak na taong ito. Sapagka’t Siya ang nagdala ng katotohanan, ng buhay, at ng daan upang mailigtas ang buong sangkatauhan, malunasan ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng Diyos at tao, papaglapitin ang Diyos at tao, at maipaalam ang mga iniisip sa pag-itan ng Diyos at tao. Siya rin ang nagdala ng higit pang kaluwalhatian sa Diyos. Hindi ba karapat-dapat ang karaniwang taong gaya nito sa iyong pagtitiwala at pagsamba? Ang gayon bang karaniwang katawang-tao ay hindi angkop upang tawaging Kristo? Ang gayon bang karaniwang tao ay hindi maaaring maging ang pagpapahayag ng Diyos sa gitna ng mga tao? Hindi ba karapat-dapat sa inyong pagmamahal at para inyong hawakan ang gayong tao na tumutulong sa sangkatauhan upang mailigtas sa sakuna? Kung tanggihan ninyo ang mga katotohanang namutawi mula sa Kanyang bibig at kamuhian din ang Kanyang pag-iral sa gitna ninyo, ano ang inyong magiging kapalaran?
Ang lahat ng gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ginagawa sa pamamagitan ng karaniwang taong ito. Ipagkakaloob Niya ang lahat ng bagay tungo sa iyo, at bukod pa rito, Siya ang makapagpapasiya sa lahat ng bagay tungkol sa iyo. Ang ganoong tao ba ay maaaring maging katulad ng inyong inaakala: isang taong napakapayak kaya’t hindi-karapat-dapat na mabanggit? Ang katotohanan ba Niya ay hindi sapat upang kayo ay lubos na mahikayat? Ang pagsaksi ba ng Kanyang mga gawa ay hindi sapat upang kayo ay lubusang mahikayat? O ang landas ba kung saan Niya kayo pinangungunahan ay hindi ninyo karapat-dapat na sundan? Ano ang nag-uudyok sa inyo upang makaramdam ng pag-ayaw sa Kanya at itaboy Siya at iwasan Siya? Siya ang naghahayag ng katotohanan, Siya ang nagtutustos ng katotohanan, at Siya ang nagbibigay ng kakayahan sa inyo upang magkaroon ng landas na tatahakin. Maaari kaya na hindi pa rin ninyo nakikita ang mga bakas ng gawa ng Diyos sa loob ng mga katotohanang ito? Kung wala ang gawa ni Jesus, hindi makakababa ang sangkatauhan mula sa krus, nguni’t kung wala ang pagkakatawang-tao ngayon, yaong mga bumaba mula sa krus ay hindi ipagtatagubilin ng Diyos o makapapasok tungo sa bagong kapanahunan. Kung hindi dumating ang karaniwang taong ito, kung gayon hindi kayo kailanman magkakaroon ng pagkakataon o magiging karapat-dapat upang makita ang tunay na mukha ng Diyos, dahil lahat kayo ay matagal nang dapat na winasak. Dahil sa pagdating ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, napatawad kayo ng Diyos at pinakitaan kayo ng habag. Sa kabila nito, ang mga salita na dapat Kong iwan sa inyo sa katapusan ay ang mga ito pa rin: Ang karaniwang taong ito, na Siyang Diyos na nagkatawang-tao, ay napakahalaga sa inyo. Ito ang dakilang bagay na nagáwâ na ng Diyos sa gitna ng mga tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento