Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano sa pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay nakárátíng na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, hanggang sa pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawaing gagawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng mga nakásúnód sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng paghatol ng Diyos.
Ang “paghatol” sa mga salitang nasabi na dati—ang paghatol ay magsisimula sa bahay ng Diyos—ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa ganoong higit-sa-karaniwang mga naguguni-guni kagaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ibubunyag Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay malalaman kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng nagniningas na apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, ang nilalaman ng gawain ng Diyos ay hindi maaaring mabago. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuo at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaliwanag ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos.