✼•┈┈┈┈•✼•┈┈┈┈•✼•┈┈┈┈•✼•┈┈┈┈•✼•
Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos
Ngayong narinig ninyo na ang nakaraang paksa sa pagsasamahan na tungkol sa awtoridad ng Diyos, nakatitiyak Ako na nasangkapan na kayo ng sapat na mga salita sa bagay na ito. Gaano man ang kaya ninyong tanggapin at unawain ay depende kung gaanong pagsasagawa ang ibubuhos ninyo dito. Umaasa Ako na buong sikap ninyong maaabot ang bagay na ito; huwag kayong makitungo dito nang hindi bukal sa puso kahit sa anong paraan! Ngayon, ang pagkilala ba sa awtoridad ng Diyos ay katulad ng pagkilala sa kabuuan ng Diyos? Maaaring masabi ng isang tao na ang pagkilala sa awtoridad ng Diyos ay ang simula ng pagkilala sa natatanging Diyos Mismo, at masasabi din ng iba na ang pagkilala sa awtoridad ng Diyos ay nangangahulugang nakatapak na ang isang tao sa pintuan ng pagkakilala sa diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang pagkilalang ito ay isang bahagi ng pag-unawa sa Diyos. Ano ang iba pang bahagi kung gayon? Ito ang paksa na nais Kong pagsamahan natin ngayon–Ang matuwid na disposisyon ng Diyos.
Pumili Ako ng dalawang bahagi mula sa Biblia na ating pagsasamahan sa paksa ngayon: Ang unang tatalakayin ay ang pagwasak ng Diyos sa Sodoma, na matatagpuan sa Genesis 19:1-11 at sa Genesis 19:24-25; ang pangalawang tatalakayin ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa Ninive, na matatagpuan sa Jonas 1:1-2, bilang karagdagan, sa pangatlo at pang-apat na kabanata ng aklat na ito. Umaasa Ako na naghihintay na kayong lahat na marinig ang Aking sasabihin sa dalawang mga bahagi na ito. Ang Aking natural na sasabihin ay hindi mawawalay sa paksa na tungkol sa pagkilala sa Diyos Mismo at pagkilala sa Kanyang diwa, ngunit ano ang magiging tuon ng pagsasamahan ngayon? May nakakaalam ba sa inyo? Anong mga bahagi ng Aking pagsasamahan tungkol sa “Awtoridad ng Diyos” ang nakapukaw ng inyong pansin? Bakit nasabi ko na ang tanging nagtataglay ng gayong awtoridad at kapangyarihan ay ang Diyos Mismo? Ano ang nais Kong ipaliwanag nang sabihin Ko iyon? Ano ang nais Kong ipaalam sa inyo? Ang awtoridad ng Diyos ba at kapangyarihan ay isang bahagi ng kung paano ipinamamalas ang Kanyang diwa? Bahagi ba sila ng Kanyang diwa na nagpapatunay ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan? Nasabi ba sa inyo ng mga katanungang ito ang nais Kong sabihin? Ano ang nais Kong maunawaan ninyo? Pag-isipan ninyong mabuti ito.
(I) Dahil sa Pagmamatigas na Paglaban sa Diyos, Winasak ang Tao sa Pamamagitan ng Poot ng Diyos
Una, tingnan natin ang mga talata sa kasulatan na naglalarawan sa “Pagwasak ng Diyos sa Sodoma.”
(Gen 19:1-11) At nagsidating ang dalawang anghel sa Sodoma, nang nagtatakip silim; at si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma: at sila’y nakita ni Lot, at nagtindig upang salubungin sila; at iniyukod ang mukha sa lupa; At nagsabi, Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo’y magsiliko at magsipasok sa bahay ng inyong lingkod, at kayo’y matira sa buong magdamag, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsipagbangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad. At kanilang sinabi, Hindi, kundi sa langsangan mananahan kami sa buong magdamag. At kaniyang pinakapilit sila; at sila’y nagsiliko, at nagsipasok sa kaniyang bahay; at sila’y kaniyang pinaghandaan, at ipinagluto ng mga tinapay na walang levadura, at nagsikain. Datapuwa’t bago nagsihiga, ang bahay ay kinulong ng mga tao sa bayan sa makatuwid baga’y ng mga tao sa Sodoma, na mga binata at gayon din ng mga matanda ng buong bayan sa buong palibot; At kanilang tinawagan si Lot, at sinabi sa kaniya, Saan nangaroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila. At nilabas sila ni Lot sa pintuan, at isinara ang pinto sa likuran niya. At sinabi niya, Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko, na huwag kayong gumawa ng ganiyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anoman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nangasa silong ng aking bubungan. At sinabi nila, Umurong ka! At sinabi pa nila, Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kay sa kanila. At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan. Datapuwa’t iniunat ng mga lalake ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan. At ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay mga pinagbulag nila, ang munti’t malaki: ano pa’t sila’y nangayamot sa paghahanap ng pintuan.
(Gen 19:24-25) Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Jehova na buhat sa langit; At ginunaw niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.
Mula sa mga talatang ito, hindi mahirap na makita na ang kasalanan at katiwalian ng Sodoma ay umabot na sa kalagayang kasuklam-suklam sa parehong tao at Diyos, at sa mga mata ng Diyos, nararapat lamang na gunawin ang lungsod. Ngunit ano ang nangyari sa loob ng lungsod, bago ito wasakin? Ano ang maaari matutuhan ng mga tao mula sa mga pangyayaring ito? Ano ang ipinakikitang damdamin ng Diyos sa mga pangyayaring ito sa mga tao tungkol sa Kanyang disposisyon? Upang maunawaan ang buong kuwento, maingat nating basahin ang nakasulat sa Kasulatan…
Katiwalian ng Sodoma: Nagpapasiklab ng Galit sa Tao, Nagdudulot ng Pagkapoot sa Diyos
Nang gabing iyon, tinanggap ni Lot ang dalawang mensahero mula sa Diyos at ipinaghanda sila ng makakain. Pagkatapos maghapunan, bago sila matulog, pinalibutan ng mga tao sa lungsod ang tirahan ni Lot at tinawag nang pasigaw si Lot. Ang sigaw nila ayon sa Kasulatan, “Saan nangaroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? ilabas mo sila sa amin upang kilalanin namin sila.” Sino ang nagsabi sa mga salitang ito? Para kanino ang sinabing ito? Ito ang sinabi ng mga tao sa Sodoma, na nagsisigaw sa labas ng bahay ni Lot, at ito ay para kay Lot. Ano kaya ang mararamdaman kapag narinig ang ganitong mga salita? Galit ka ba? Makakasakit ba ang mga salitang ito sa iyo? Magpupuyos ka ba sa galit? Hindi kaya pahiwatig kay Satanas ang mga salitang ito? Sa pamamagitan nito, nararamdaman mo ba ang kasamaan at kadiliman sa lungsod na ito? Sa kanilang mga salita, nararamdaman mo ba ang kalupitan at kabangisan sa pag-uugali ng mga taong ito? Nararamdaman mo ba ang malalang katiwalian sa kanilang ikinikilos? Sa pamamagitan ng nilalaman ng kanilang sinabi, hindi mahirap makita na ang kalikasan ng kanilang pagiging makasalanan at malupit na disposisyon ay nakaabot na sa antas na hindi na nila makontrol. Bukod kay Lot, lahat ng tao sa lungsod na ito ay walang pagkakaiba kay Satanas; ang makita lamang ang ibang tao ay umudyok na sa mga tao na saktan at lipulin sila…. Ang mga bagay na ito ay hindi lamang nakapagbibigay sa isang tao ng pakiramdam sa nakakatakot at nakakasindak na kalikasan ng lungsod, kundi pati ang anino ng kamatayan sa paligid nito; nagpapahiwatig din ito ng kasamaan at pagkauhaw sa dugo.
Habang natagpuan niya ang kanyang sarili kaharap ng grupo ng mga taong may masasamang-loob, mga taong punong-puno ng karumal-dumal na mithin, paano tumugon si Lot? Ayon sa Kasulatan: “Ipinamamanhik ko sa inyo … huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan. Narito, ngayon, may dalawa akong anak na babae, na hindi nakakilala ng lalake; ipinamamanhik ko sa inyo, na sila’y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa inyong paningin: huwag lamang ninyong gawan ng anoman ang mga lalaking ito; yamang sila’y nangasa silong ng aking bubungan.” Ang ibig sabihin ni Lot sa kanyang mga salita: Handa niyang ibigay ang kanyang dalawang anak na babae sa mga tao upang pag-ingatan ang mga mensahero. Sa ganitong dahilan, dapat sana’y pumayag na ang mga tao sa mga kundisyon ni Lot at iwan na ang mga mensahero; lalo pa nga, hindi naman talaga nila kilala ang mga mensahero, at tuwirang walang kinalaman sa kanila; hindi man lamang nasaktan ng mga mensahero na ito ang kanilang mga kawilihan. Ngunit dahil sa udyok ng kalikasan ng kasalanan, hindi nila iniwan ang bagay na ito. Sa halip, pinatindi lamang nila ang kanilang pagnanais. Ito pa ang isa nilang pag-uusap na walang pag-aalinlangan na makapagpapalinaw sa tunay na masamang kalikasan ng mga taong ito; gayun din naman, dito malalaman at mauunawaan ng tao ang dahilan kung bakit nais ng Diyos na gunawin ang lungsod na ito.
Kaya ano ang sumunod nilang sinabi? Ang sabi sa Biblia: “At sinabi nila, Umurong ka! At sinabi pa nila, Ang taong ito’y naparito upang makipamayan, at ibig niyang maging hukom: ngayon nga’y gagawan ka namin ng lalong masama kay sa kanila. At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.” Bakit nais nilang sirain ang pinto? Ang dahilan ay nasasabik lamang silang saktan ang dalawang mensahero na iyon. Ano ang ginagawa ng mga mensahero na ito sa Sodoma? Ang layunin nila sa pagpunta doon ay upang sagipin si Lot at ang kanyang pamilya; ngunit nagkamali ang mga tao ng isipin na dumating sila upang gumanap ng mga opisyal na tungkulin. Dahil hindi nila tinanong ang kanilang pakay, tanging haka-haka lamang ang dahilan kaya gustong saktan ng mga tao ang dalawang mensahero; nais nilang saktan ang dalawang tao na wala namang kinalaman sa kanila. Maliwanag na nawala nang lubusan ng mga mamamayan ng lungsod na ito ang kanilang pagkatao at katuwiran. Ang antas ng kanilang kabaliwan at pagkamabagsik ay wala nang ipinagkaiba sa kalikasan ng kasamaan ni Satanas na nananakit at lumilipol sa mga tao.
Nang hilingin nila ang mga taong ito kay Lot, ano ang ginawa ni Lot? Mula sa mga talata, alam nating hindi sila ibinigay ni Lot. Kilala ba ni Lot ang dalawang mensahero na ito ng Diyos? Siyempre hindi! Ngunit bakit niya nagawang iligtas ang dalawang ito? Alam ba niya kung ano ang kanilang gagawin kaya sila dumating? Bagaman hindi niya alam ang dahilan ng kanilang pagdating, alam niya na mga lingkod ng Diyos ang mga ito, kaya tinanggap niya sila. Ang kanyang pagtawag sa mga lingkod ng Diyos na panginoon ay nagpapakita na isang tagasunod ng Diyos si Lot, hindi katulad ng ibang nasa loob ng Sodoma. Kaya nang dumating sa kanya ang mga mensahero ng Diyos, ibinuwis niya ang kanyang sariling buhay upang tanggapin ang dalawang lingkod; at gayun din, ipinagpalit niya ang kanyang dalawang anak na babae upang ingatan ang dalawang lingkod. Ito ang matuwid na ginawa ni Lot; ito rin ang nakikitang pagpapahayag ng kalikasan at diwa ni Lot, at ito rin ang dahilan kaya isinugo ng Diyos ang Kanyang mga lingkod upang iligtas si Lot. Nang maharap sa panganib, iningatan ni Lot ang dalawang lingkod na ito na walang ibang inaalala; tinangka pa niyang ipagpalit ang kanyang dalawang anak na babae para sa kaligtasan ng mga lingkod. Bukod kay Lot, mayroon pa kayang ibang tao sa lungsod na kayang gawin ang ganito? Tulad ng pinatunayan ng pangyayari–wala! Kaya, sinabi na ang bawat isa sa loob ng Sodoma, bukod kay Lot, ang puntirya ng pagkawasak at gayun din ang puntirya na karapat-dapat na mawasak.
Winasak ang Sodoma Dahil Nagalit ang Diyos
Nang makita ng mga taga-Sodoma ang dalawang lingkod na ito, hindi nila itinanong kung ano ang kanilang dahilan sa pagdating, ni may isa man lang na nagtanong kung dumating ba sila upang ipahayag ang kalooban ng Diyos. Sa kabaligtaran, bumuo sila ng isang malaking pangkat ng mga tao at, kahit walang anumang paliwanag, dumating sila para dakpin ang dalawang lingkod na ito na gaya ng mga asong gubat o mababangis na mga lobo. Pinagmamasdan ba ng Diyos ang mga bagay na ito habang nangyayari? Ano kaya ang iniisip ng Diyos sa Kanyang puso sa uri ng pag-uugaling ito ng tao, sa bagay na ito? Nagpasya ang Diyos na wasakin na ang lungsod na ito; hindi na Siya mag-aatubili o maghihintay pa, ni magpapakita pa ng pagtitiyaga. Dumating na ang Kanyang araw, at inihanda na Niya ang gawaing nais Niyang gawin. Kaya ang sabi sa Genesis 19:24-25, “Nang magkagayo’y nagpaulan si Jehova sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Jehova na buhat sa langit; At ginunaw niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.” Sinasabi ng dalawang talatang ito sa mga tao ang paraan ng pagwasak ng Diyos sa lungsod na ito; gayun din sinasabi sa mga tao kung ano ang winasak ng Diyos. Una, isinasaad sa Biblia na sinunog ng Diyos ang lungsod sa pamamagitan ng apoy, at ang lawak nito ay sapat na upang malipol ang mga tao at lahat ng nabubuhay sa lupa. Ibig sabihin, hindi lamang winasak ng apoy na nagmula sa langit ang lungsod; sinira din nito ang lahat ng mga tao at lahat ng mga nabubuhay na nilalang sa loob, na walang anumang naiwan kahit isang bakas. Pagkatapos masunog ang lungsod, sa lugar ay walang makitang buhay na mga bagay. Wala nang may buhay o anumang senyales nito. Ang lungsod ay naging kaparangan, isang lugar na walang laman at puspos ng nakabibinging katahimikan. Wala nang anumang masamang gawa na laban sa Diyos sa lugar na ito; wala nang mangyayaring patayan o pagdanak ng dugo.
Bakit nais ng Diyos na sunugin ang lungsod na ito nang lubusan? Ano ang nakikita ninyo dito? Matitiis bang panoorin ng Diyos ang mga tao at ang kalikasan, na Kanyang nilikha, na mawasak na katulad nito? Kung makakaya mong maunawaan ang galit ng Diyos na si Jehovah mula sa apoy na bumaba mula sa langit, kung gayon, hindi mahirap na makita ang antas ng Kanyang galit mula sa puntirya ng Kanyang pagwasak, gayun din sa antas ng pagkawasak sa lungsod na ito. Kapag kinasuklaman ng Diyos ang isang lungsod, ibibigay Niya dito ang Kanyang kaparusahan. Kapag nainis ang Diyos sa isang lungsod, padadalhan Niya ito ng paulit-ulit na babala ng Kanyang galit sa mga tao. Ngunit kapag nagpasya ang Diyos na wakasan na at wasakin ang isang lungsod–iyon ay kapag nasaktan na ang Kanyang galit at kamahalan–hindi na Siya magsasabi pa ng anumang mga parusa o mga babala. Sa halip, tuluyan na Niya itong wawasakin. Lubusan na Niya itong paglalahuin. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.
Matapos ang Paulit-ulit na Pagtanggi at Pagsuway ng Sodoma sa Kanya, Nilipol na ito ng Diyos nang Lubusan
Sa sandaling magkaroon tayo ng pagkalahatang pang-unawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos, maibabalik natin ang ating pansin sa lungsod ng Sodoma–ang nakita ng Diyos ay isang lungsod ng kasalanan. Sa pag-unawa sa kalagayan ng lungsod na ito, maiintindihan natin kung bakit nais ng Diyos na wasakin ito at bakit winasak Niya ito ng lubusan. Mula dito, maaari na nating malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos.
Mula sa pananaw ng isang tao, ang Sodoma ay isang lungsod na makapagbibigay ng ganap na kasiyahan sa pagnanasa at kasamaan ng tao. Nakatutukso at nakabibighani, may kasamang tugtugan at sayawan gabi-gabi, ang karangyaan nito ang nagtulak sa mga tao sa pagkabighani at kahibangan. Kinain ng kasamaan ang puso ng mga tao at inakit sila sa pagkabulok. Ito ang lungsod na kung saan ang marurumi at masasamang espiritu ay naghuhuramentado; punong-puno ito ng kasalanan at pagpatay at nangangamoy dugo at bulok ito. Isa itong lungsod na pinalamig ang mga tao hanggang buto, isang lungsod na inyong iiwasan. Wala kahit isa sa lungsod na ito–mapalalaki man o babae, bata man o matanda–ang naghanap ng tunay na daan; walang nagnais sa liwanag o naghangad na lumayo mula sa kasalanan. Nabuhay sila sa pagkontrol ni Satanas, sa katiwalian at pandaraya. Nawala na ang kanilang pagkatao; nawala nila ang kanilang pandama, at pati na ang orihinal na layunin ng tao sa pagkalikha. Nakagawa sila ng hindi na mabilang na mga kasalanan ng pagtanggi laban sa Diyos; tinanggihan nila ang Kanyang paggabay at kinalaban ang Kanyang kalooban. Ang kanilang masasamang gawa ang nagtulak sa mga taong ito, sa buong lungsod at sa bawat nabubuhay dito, unti-unti, patungo sa daan ng pagkawasak.
Bagaman hindi nakasulat sa dalawang talatang ito ang mga detalye na naglalarawan sa lawak ng katiwalian ng mga mamamayan ng Sodoma, at sa halip ay itinala ang kanilang pakikitungo sa dalawang lingkod ng Diyos matapos na sila’y dumating sa lungsod, ang isang simpleng katotohanan ay maaaring ibunyag lawak na kung ang mga tao sa Sodoma ay mga tiwali, masasama at lumalaban sa Diyos. Dahil dito, ang tunay na mukha at kalooban ng mga mamamayan ng lungsod ay nahayag din. Hindi lamang sa hindi nila tinanggap ang mga babala ng Diyos, hindi rin sila takot sa Kanyang kaparusahan. Sa kabaligtaran, kinasuklaman nila ang galit ng Diyos. Walang taros na nilabanan nila ang Diyos. Walang halaga kung ano ang ginawa Niya o paano Niya ito ginawa, lalo lamang lumala ang kalikasan ng kanilang masamang hangarin, at paulit-ulit nilang nilabanan ang Diyos. Ang mga taga-Sodoma ay galit sa pag-iral ng Diyos, sa Kanyang pagdating, sa Kanyang kaparusahan, at lalo na sa Kanyang mga babala. Wala silang nakitang mahalaga sa kanilang paligid. Sinisila at sinasaktan nila ang lahat ng mga taong kaya nilang silain at saktan, at gayun din ang kanilang pagtrato sa mga lingkod ng Diyos. Tungkol sa kabuuan ng masasamang gawa na ginawa ng mga taga-Sodoma, ang pananakit sa mga lingkod ng Diyos ay maliit na bahagi lamang, at ang kalikasan ng kanilang kasamaan na inihayag ay katulad lamang ng isang maliit na patak sa malawak na dagat. Kaya pinili ng Diyos na lipulin sila sa pamamagitan ng apoy. Hindi gumamit ang Diyos ng baha, ni hindi Siya gumamit ng bagyo, lindol, dambuhalang mga alon, o iba pang paraan upang wasakin ang lungsod. Ano ang kahulugan ng paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod na ito? Ang ibig sabihin nito ay ganap na nawasak ang lungsod; ibig sabihin ay ganap na naglaho ang lungsod sa ibabaw ng lupa at mula sa pag-iral nito. Dito, ang “pagkawasak” ay hindi lamang tumutukoy sa pagkawala ng anyo at istruktura o panlabas na katayuan ng lungsod; nangangahulugan din ito na ang mga kaluluwa ng mga taong nasa loob ng lungsod ay huminto nang mabuhay, at lubos nang nalipol. Sa madaling sabi, lahat ng mga tao, mga pangyayari at mga bagay na nakaugnay sa lungsod ay nawasak na. Wala nang buhay pagkatapos o muling pagkabuhay na para sa kanila; Nilipol na sila ng Diyos mula sa sangkatauhan, sa Kanyang nilalang, minsan at magpakailanman. Ang “paggamit ng apoy” ay nagpapahiwatig ng pagpigil sa kasalanan, at nangangahulugan ito ng pagtapos sa kasalanan; titigil na sa pananatili at pagkalat ang kasalanang ito. Nangangahulugan ito na ang kasamaan ni Satanas ay nawala na sa mataba nitong lupa, gayun din ang libingan na pumayag na magkaroon ng lugar na tirahan at panirahan ito. Sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, ang paggamit ng Diyos ng apoy ay tatak ng Kanyang pagtatagumpay kung saan namarkahan si Satanas. Ang pagkawasak ng Sodoma ay isang malaking maling hakbang sa mithiin ni Satanas na kalabanin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsira at pag-ubos sa mga tao, at isa itong nakahihiyang tanda sa panahon ng pag-unlad ng sangkatauhan nang tanggihan ng tao ang patnubay ng Diyos at pinabayaan ang sarili niya sa bisyo. Bukod pa rito, isa itong talaan ng tunay na pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos.
Nang tinupok ng apoy na ipinadala ng Diyos mula sa langit ang Sodoma hanggang sa maging abo, nangangahulugan ito na ang lungsod na tinawag na “Sodoma” ay hindi na makikita, at maging ang lahat ng naroon sa loob nito. Winasak na ito sa pamamagitan ng galit ng Diyos; naglaho na ito sa ilalim ng poot at kamahalan ng Diyos. Dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, tinanggap ng Sodoma ang kanyang makatarungang kaparusahan; dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, tinanggap nito ang makatarungang katapusan. Ang katapusan ng pag-iral ng Sodoma ay dahil sa kanyang kasamaan, at dahil din ito sa pagnanais ng Diyos na hindi na ito muling makita, maging ang mga taong nabuhay dito o anumang may buhay na lumago sa loob ng lungsod. Ang “pagnanais ng Diyos na hindi na makitang muli ang lungsod” ay dahil sa kanyang poot, at gayun din sa Kanyang kamahalan. Sinunog ng Diyos ang lungsod dahil sa pagsalangsang at kasalanan nito na dahilan para magalit, mainis at masuklam Siya dito at ninais na hindi na makita ito magpakailanman o maging ang sinumang tao at bagay na nabubuhay sa loob nito. Nang matapos masunog ang lungsod, nang mga abo na lamang ang naiwan, tunay ngang tumigil na ito sa pag-iral sa paningin ng Diyos; kahit na ang Kanyang alaala dito ay nawala na, nabura na. Nangangahulugan ito na hindi lamang winasak ng ipinadalang apoy mula sa langit ang buong lungsod ng Sodoma at ang makasalanang mga tao sa loob nito, ni hindi lamang nito nilipol ang lahat ng bagay sa loob ng lungsod na namantsahan ng kasalanan; higit pa rito, winasak ng apoy na ito ang mga alaala ng kasamaan ng sangkatauhan at pagtutol laban sa Diyos. Ito ang layunin ng Diyos sa pagsunog sa buong lungsod.
Ang sangkatauhan ay naging tiwali nang sagad. Hindi nila kilala kung sino ang Diyos o kung saan sila nagmula. Kapag binanggit mo ang Diyos, ang mga taong ito ay aatake, maninirang puri, at maglalapastangan. Kahit na dumating ang mga lingkod ng Diyos upang ikalat ang Kanyang babala, hindi man lamang nagpakita ng mga tanda ng pagsisisi ang mga tiwaling taong ito; hindi nila iniwan ang kanilang masamang asal. Sa kabaliktaran, walang hiyang sinaktan nila ang mga lingkod ng Diyos. Ang kanilang ipinahayag at isiniwalat ay ang kanilang kalikasan at diwa ng masidhing pagkapoot sa Diyos. Makikita natin na ang paglaban ng mga tiwaling taong ito sa Diyos ay higit pa sa pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon, na mas higit pa ito sa paninirang-puri o panunukso na umusbong mula sa kakulangan ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi ang kahangalan ni kawalang kaalaman ang dahilan ng kanilang masamang pag-uugali; hindi ito dahil sa nalinlang ang mga taong ito, at tiyak na hindi dahil sa nailigaw lamang sila. Ang kanilang pag-uugali ay nakaabot na sa antas ng garapalan at walang hiyang paglaban, oposisyon at pakikipagtunggali sa Diyos. Walang pag-aalinlangan, ang ganitong uri ng pag-uugali ng tao ay makapagpapagalit sa Diyos, at makapagpapagalit sa Kanyang disposisyon–isang disposisyon na hindi dapat masaktan. Kaya, tuwiran at ganap na pinakawalan ng Diyos ang Kanyang poot at ang Kanyang kamahalan; ito ang tunay na pagbubunyag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kaharap ng isang lungsod na nag-uumapaw sa kasalanan, hinangad ng Diyos na wasakin ito sa pinakamabilis na paraan hangga’t maaari; Ninais Niyang lipulin ang mga mamamayan at ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa pinakaganap na paraan, upang hindi na sila makita at upang mahinto na ang kasalanan sa paglaganap sa lugar na ito. Ang pinakamabilis at pinakakumpletong paraan ng pagsasagawa nito ay ang sunugin sa pamamagitan ng apoy. Ang iniisip ng Diyos sa mga taga-Sodoma ay hindi sila basta iwanan o balewalain kaya; sa halip, ginamit Niya ang Kanyang galit, kamahalan at awtoridad upang parusahan, ibagsak at lubos na lipulin ang mga taong ito. Hindi lamang pisikal na paglipol ang Kanyang iniisip sa kanila kundi paglipol din sa kanilang kaluluwa, isang walang hanggang pagpuksa. Ito ang tunay na pagpapahiwatig ng pagnanais ng Diyos na “mawala na sila.”
Bagaman Nakatago ang Galit ng Diyos at Nakalihim sa Tao, Hindi Nito Kinukunsinti ang Pagkakasala
Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng hangal at mangmang na sangkatauhan ay pangunahing nakabase sa awa at pagpapaubaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang galit ay nakatago sa lubhang napakalaking bahagi ng panahon at ng mga bagay-bagay; nakalihim ito sa tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang galit, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang galit. Dahil dito, minamagaan ng tao ang galit ng Diyos. Kapag humarap na ang tao sa huling gawain ng Diyos at hakbang ng pagpapaubaya at pagpapatawad sa tao–iyan ay, kapag ang huling pagkakataon ng kaawaan ng Diyos at huling babala Niya ay makaabot sa kanila–kung gagamitin pa rin nila ang parehong mga paraan ng pagsalungat sa Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali o tanggapin ang Kanyang kaawaan, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya at pagtitiyaga sa kanila. Sa kabaligtaran, ito ay ang panahon na babawiin na ng Diyos ang Kanyang kaawaan. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang galit. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang galit sa iba’t ibang mga paraan, kung paanong maaari Siyang gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.
Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o isang bagay. Ang pagsunog sa mga mamamayan ng Sodoma ay nagwasak ng higit pa sa kanilang mga pisikal na katawan; winasak nito ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, mga kaluluwa at mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay hindi na iiral sa kapwa mundong materyal at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung saan ibinubunyag ng Diyos at ipinadarama ang Kanyang galit. Ang paraan ng pagbubunyag at pagpapadamang ito ay isang aspeto ng nilalaman ng galit ng Diyos, gayun din, ito ay likas na pagbubunyag ng nilalaman ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang galit, hindi Niya ibinubunyag ang anumang kaawaan o kagandahang loob, ni hindi na Niya ipakikita pa ang Kanyang pagpapaubaya o pagtitiyaga; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging matiyaga, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Sa lugar ng mga bagay na ito, walang isa mang sandaling pag-aalinlangan, ipadadala ng Diyos ang Kanyang galit at kamahalan, gagawin kung ano ang Kanyang ninanasa, at isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga hangarin. Ito ang paraan kung saan ipinadadala ng Diyos ang Kanyang galit at kamahalan, na hindi dapat pagkasalahan ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila maramdaman ang Kanyang galit, makita ang Kanyang kamahalan o madama ang hindi Niya pagpapaubaya sa pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang laging nagbubunsod sa mga tao na maniwala na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay tanging pagkaawa, pagpapaubaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinapootan ang sangkatauhan, ang Kanyang galit sa pagwasak ng tao at ang Kanyang kamahalan ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon. Ito ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti sa pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikhang nilalang, at sa gitna ng mga di-nilikhang nilalang, walang may kakayahang pakialaman ito o antigin ito; at higit sa lahat, hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat kilalaning pinakamabuti ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo lamang ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo lamang ang nagmamay-ari ng ganitong uri ng disposisyon. Ang Diyos ang nagmamay-ari ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, pagrerebelde at sa mga masamang gawa ni Satanas–pagsira at paglamon sa sangkatauhan–sapagka’t kinasusuklaman Niya ang lahat ng mga gawa ng kasalanan sa paglaban sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikhang nilalang na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at labagin ang Kanyang prinsipyo ng katiyagaan at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na wala kahit katiting mang awa o pag-aalinlangan–isang disposisyon na hindi kinukunsinti ang pagkakasala.
Ang Galit ng Diyos ay Isang Pananggalang sa Lahat ng Makatarungang mga Puwersa at Lahat ng Positibong mga Bagay
Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga halimbawang ito ng pananalita, kaisipan at mga kilos ng Diyos, makakaya mo kayang unawain ang matuwid na disposisyon ng Diyos, isang disposisyon na hindi maaaring saktan? Sa katapusan, ito ay isang aspeto ng disposisyon na natatangi sa Diyos Mismo, hindi alintana kung gaano man ang kayang unawain ng tao. Ang hindi pagkunsinti ng Diyos sa pagkakasala ang Kanyang bukod-tanging sangkap; ang galit ng Diyos ang Kanyang bukod-tanging disposisyon; ang kamahalan ng Diyos ang Kanyang bukod-tanging sangkap lamang. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay naglalarawan sa pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang banggitin ng sinuman na ito ay sagisag rin ng nilalaman ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na nilalaman. Hindi ito nagbabago kahit kailan sa pagdaan ng panahon, ni magbago man kapag nagbabago ang lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na nilalaman. Hindi alintana kung kanino man Niya iniuukol ang Kanyang ginagawa, hindi nagbabago ang Kanyang nilalaman, at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginalit ng isang tao ang Diyos, yaong Kanyang ipinadadala ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, ni maging ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at estado. Hindi Siya nagagalit dahil may nagbago sa Kanyang nilalaman o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang pagsalungat ng tao sa Kanya ay nakakasakit sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at estado ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at sinusubok ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos–na kung kailan din nagiging laganap ang kasalanan–ang galit ng Diyos ay natural na mabubunyag at makikita. Samakatuwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang galit ay sumisimbulo na lahat ng mga puwersa ng kasamaan ay titigil sa pag-iral; sumisimbulo ito na ang lahat ng mga puwersang salungat ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ang pagiging natatangi ng galit ng Diyos. Kapag hinamon ang dignidad at kabanalan ng Diyos, kapag ang makatarungang mga puwersa ay hinadlangan at hindi nakita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang galit. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng mga puwersa sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtalo sa Kanya ay masasama, tiwali at hindi makatarungan; nagmula at kabilang sila kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, nasa liwanag at walang-bahid na banal, lahat ng mga bagay na masama, tiwali at kabilang kay Satanas ay maglalaho sa pagpapakawala ng galit ng Diyos.
Bagaman ang pagbuhos ng galit ng Diyos ay isang aspeto ng pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon, ang galit ng Diyos ay siguradong walang kinikilingan kung sino ang puntirya Nito o hindi ito walang prinsipyo. Sa kabaligtaran, hindi naman kahit kailan madaling magalit ang Diyos, ni padalus-dalos na ibinubunyag ang Kanyang galit at Kanyang kamahalan. Dagdag pa rito, ang galit ng Diyos ay lubhang kontrolado at sukat; hindi ito maikukumpara kahit kailan sa kung paanong ang tao ay magsisiklab sa isang matinding poot o magbubulalas ng kanyang galit. Maraming pag-uusap sa pagitan ng tao at ng Diyos ang nakatala sa Biblia. Ang mga sinasabi ng ilan sa mga inidibiduwal na ito ay mabababaw, walang alam, at parang bata, nguni’t hindi sila pinabagsak ng Diyos, ni hinatulan man. Isang halimbawa, sa panahon ng pagsubok kay Job, paano pinakitunguhan ng Diyos na si Jehovah ang tatlong kaibigan ni Job at ang iba pa pagkatapos Niyang marinig ang mga salitang kanilang sinabi kay Job? Hinatulan ba sila ng Diyos? Nagsiklab ba Siya sa matinding pagkagalit sa kanila? Wala Siyang ginawang ganoon! Sa halip sinabi Niyang makiusap si Job sa kanila, na ipanalangin sila; sa kabilang banda, hindi dinamdam ng Diyos sa Kanyang puso ang kanilang mga pagkakamali. Ang mga pangyayaring ito ay kumakatawan lahat sa pangunahing gawi kung paanong pinakikitunguhan ng Diyos ang tiwali, mangmang na sangkatauhan. Samakatuwid, ang pagpapakawala ng galit ng Diyos ay hindi isang pagpapahayag o paglalabas ng Kanyang nararamdaman. Ang galit ng Diyos ay hindi isang ganap na pagsabog ng poot gaya nang pagkaunawa ng tao rito. Hindi pinakakawalan ng Diyos ang Kanyang galit dahil sa hindi Niya kayang kontrolin ang Kanyang sariling damdamin o dahil ang Kanyang galit ay nakaabot na sa Kanyang punto ng pagkulo at dapat nang ilabas. Sa kabaligtaran, ang Kanyang galit ay pagpapakita ng Kanyang matuwid na disposisyon at isang tunay na pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon; ito ay isang sumasagisag na pagbubunyag ng Kanyang banal na diwa. Ang Diyos ay galit, hindi kinukunsinti ang pagkakasala– hindi nito sinasabi na ang galit ng Diyos ay hindi kumikilala sa gitna ng mga dahilan o walang prinsipyo; ang tiwaling sangkatauhan ang tanging nag-aangkin sa walang prinsipyo, walang-katiyakang pagbulalas ng matinding galit na hindi kumikilala sa gitna ng mga dahilan. Sa sandaling magkaroon na ng estado ang isang tao, madalas ay nahihirapan na siyang kontrolin ang kanyang damdamin, kaya masisiyahan siyang samantalahin ang mga pangyayari upang ipahayag ang kanyang kawalang-kasiyahan at ilabas ang kanyang mga damdamin; madalas siyang sumisiklab sa matinding galit kahit walang malinaw na dahilan, upang ibunyag lamang ang kanyang abilidad at malaman ng ibang tao na ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan ay iba roon sa mga ordinaryong tao. Siyempre, ang mga tiwaling tao na walang anumang katayuan ay malimit ding mawalan ng kontrol. Ang kanilang galit ay kadalasang dulot ng pinsala sa kanilang indibiduwal na mga benepisyo. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katayuan at dignidad, madalas ilabas ng tiwaling sangkatauhan ang kanilang mga damdamin at ibunyag ang kanilang mayabang na kalikasan. Ang tao ay sisiklab sa galit at ilalabas ang kanyang mga damdamin upang maipagtanggol ang pag-iral ng kasalanan, at ang mga pagkilos na ito ang mga paraan ng tao upang maipahayag ang kanyang kawalang-kasiyahan. Ang mga aksyong ito ay puno ng karumihan; puno ang mga ito ng mga balak at mga intriga; puno ang mga ito ng katiwalian at kasamaan ng tao; higit pa rito, puno ang mga ito ng mga matayog na mithiin at pagnanasa ng tao. Kapag nilabanan ng katarungan ang kasamaan, hindi sisiklab sa galit ang tao upang ipagtanggol ang pag-iral ng katarungan; kasalungat nito, kapag ang mga puwersa ng katarungan ay nanganib, inusig at nilusob, ang gawi ng tao ay isa ng di-pagpansin, pag-iwas o pag-urong. Subali’t, kapag nakaharap naman sa mga puwersa ng kasamaan, ang gawi ng tao ay isa ng pagtustos, at pagyuko at pagkudkod. Samakatuwid, ang paglalabas ng tao ay isang pagtakas para sa mga puwersa ng kasamaan, isang pagpapahayag ng talamak at hindi-mapigil na masamang ugali ng taong makalaman. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang galit, gayon pa man, lahat ng mga puwersa ng kasamaan ay mapahihinto; lahat ng mga kasalanang nakapipinsala sa tao ay mapatitigil; lahat ng mga puwersa ng kalaban na humahadlang sa gawain ng Diyos ay ipakikita, ihihiwalay at susumpain; lahat ng mga kasabwat ni Satanas na sumasalungat sa Diyos ay parurusahan, bubunutin. Sa kanilang kinalalagyan, ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy nang malaya sa anumang mga hadlang; ang plano sa pamamahala ng Diyos ay magpapatuloy sa pag-unlad nang unti-unti ayon sa nakatakda; magiging malaya sa panggugulo at pandaraya ni Satanas ang bayang pinili ng Diyos; masisiyahan sa pangunguna at pagtutustos ng Diyos sa gitna ng tahimik at mapayapang kapaligiran yaong mga sumusunod sa Diyos. Ang galit ng Diyos ay isang sanggalang na pumipigil sa lahat ng mga puwersa ng kasamaan mula sa pagdami at paglaganap, at isa rin itong sanggalang na nag-iingat sa pagkakaroon at paglaganap ng lahat ng matuwid at positibong mga bagay at walang-hanggang babantayan sila mula sa pagkasupil at pagkawasak.
Nakikita ba ninyo ang nilalaman ng galit ng Diyos sa Kanyang pagwasak sa Sodoma? May nakasama bang iba sa Kanyang sobrang pagkagalit? Ang sobra bang pagkagalit ng Diyos ay dalisay? Sabi nga ng tao, wala bang halo ang galit ng Diyos? Mayroon bang anumang daya sa likod ng Kanyang galit? Mayroon bang anumang sabwatan? Mayroon bang hindi-masabing mga sikreto? Masasabi ko sa inyo nang matigas at taimtim: Walang bahagi sa galit ng Diyos na magsasanhi upang magduda ang isang tao. Dalisay ang Kanyang galit, walang-halong galit at walang kinakandiling ibang mga hangarin o mga layunin. Ang dahilan ng Kanyang galit ay dalisay, walang-bahid at hindi mapipintasan. Isa itong likas na pagbubunyag at pagpapakita ng Kanyang banal na diwa; isa itong bagay na hindi taglay ng mga nilikha. Bahagi ito ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ay isa ring kitang-kitang pagkakaiba sa pagitan ng sunurang mga diwa ng Maylalang at Kanyang nilalang.
Hindi alintana kung magalit man ang isang tao sa harapan ng iba o sa kanilang likuran, ang bawa’t isa ay may iba’t ibang hangarin at layunin. Marahil ay itinatayo nila ang kanilang karangalan, o maaaring ipinagtatanggol nila ang kanilang pansariling mga kagustuhan, pinapanatili ang kanilang imahe o iniingatan ang kanilang mukha. May ilang nagsasanay ng pagpigil sa kanilang galit, samantalang ang iba ay mas mapusok at sumisiklab sa labis na galit sa tuwing nais nila nang walang kahit katiting na pagpipigil. Sa madaling salita, ang galit ng tao ay nagmumula sa kanyang tiwaling disposisyon. Ano man ang layunin nito, mula ito sa laman at sa kalikasan; wala itong kinalaman sa katarungan o kawalang-katarungan sapagka’t walang anuman sa kalikasan at diwa ng tao ang umaayon sa katotohanan. Samakatuwid, ang galit ng tiwaling sangkatauhan at ang galit ng Diyos ay hindi dapat banggitin sa parehong sukatan. Walang malilisan, ang gawi ng isang tao na sinira ni Satanas ay nagsisimula sa pagnanais na pangalagaan ang katiwalian, at ito ay batay sa katiwalian; sa gayon ang galit ng tao ay hindi maaaring banggitin gaya ng pagbanggit sa galit ng Diyos, kahit gaano man kawasto ito kung tingnan sa teorya. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang matinding pagkapoot, nahihinto ang mga puwersa ng kasamaan, nawawasak ang masasamang mga bagay, samantalang tinatamasa ng matutuwid at positibong mga bagay ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang galit dahil ang hindi-makatarungan, negatibo at masasamang mga bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang layunin ng galit ng Diyos ay hindi para protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi para ingatan ang pagkakaroon ng makatarungan, positibo, maganda at mabubuting bagay, upang pangalagaan ang mga batas at kaayusan ng normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ito ang ugat na dahilan ng pagkagalit ng Diyos. Ang labis na pagkagalit ng Diyos ay napakawasto, likas at tunay na pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Walang mga hangarin sa likod ng Kanyang labis na pagkapoot, ni pandaraya man o pagbabalak; o higit sa lahat, ang Kanyang pagkapoot ay walang taglay na pagnanasa, panlilinlang, malisya, karahasan, kasamaan o anumang bagay na ibinabahagi ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipinadadala ng Diyos ang Kanyang labis na pagkapoot, napansin na Niya ang diwa ng bawa’t bagay nang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak, malinaw na mga pakahulugan at mga konklusyon. Sa gayon, ang layunin ng Diyos sa bawa’t bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad ng Kanyang pag-uugali. Hindi natataranta ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag; hindi Siya mapusok; hindi Siya padalus-dalos; higit pa, may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspeto ng galit ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspetong ito ng galit ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang karaniwang pag-iral nito. Kung wala ang galit ng Diyos, bababa ang sangkatauhan sa mga kalagayan ng pamumuhay na hindi karaniwan; ang lahat ng mga bagay na matuwid, maganda at mabubuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang galit ng Diyos, ang mga batas at kaayusan na nagpapatakbo sa sangnilikha ay masisira o maaaring tuluyang bumagsak. Simula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagka’t ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng galit at kamahalan, ang lahat ng masasamang tao, mga bagay, kaganapan at lahat ng mga bagay na gumagambala at sumisira sa karaniwang pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak dahil sa Kanyang galit. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pabagsakin at wasakin ang lahat ng uri ng marumi at masamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at tagapagpatupad ni Satanas sa Kanyang trabaho ng pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging nauuna ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng galit ng Diyos, ang pinakamatuwid na gawain sa kalagitnaan ng mga tao ay hindi kailanman nawasak.
Ngayon na may pagkaunawa na kayo sa nilalaman ng galit ng Diyos, dapat tiyak na may mas mabuti na kayong pagkaunawa sa kung paano kikilalanin ang kasamaan ni Satanas!
Bagaman si Satanas ay Mukhang Makatao, Makatarungan at Mabuti, Ito ay Malupit at Masama sa Diwa
Napanalunan ni Satanas ang katanyagan nito sa pamamagitan ng pandaraya sa mga tao. Madalas nitong itinatatag ang sarili nito bilang isang tagapanguna at huwaran ng pagkamatuwid. Sa ilalim ng bandila ng pagbabantay sa pagkamatuwid, pinipinsala nito ang tao, nilalamon ang kanilang mga kaluluwa, at ginagamit ang lahat ng mga pamamaraan upang pamanhirin, dayain, at sulsulan ang tao. Ang layunin nito ay pasang-ayunin ang tao at pasunurin sa masamang pag-uugali nito, upang isama ang tao sa paglaban sa awtoridad ng Diyos at pamumuno. Gayunman, kapag naging marunong na ang isang tao hinggil sa mga pagbabalak, pakana at kasuklam-suklam na mga palabas nito at ayaw nang magpatuloy na tapak-tapakan at lokohin nito o patuloy na alipinin nito, o maparusahan at mawasak na kasama nito, binabago ni Satanas ang sinusundang malasantong palabas nito at pinupunit ang huwad na maskara nito upang ibunyag ang tunay na masama, malisyoso, pangit at mabagsik na mukha nito. Wala itong ibang nais kundi lipulin ang lahat ng mga yaong tumatangging sumunod dito at yaong mga lumalaban sa masasama nitong mga puwersa. Sa pagkakataong ito, hindi na makapagpapakita si Satanas ng isang mapagkakatiwalaan, maginoong anyo; sa halip, mabubunyag ang tunay na pangit at maladiyablong anyo nito sa likod ng pag-aanyong tupa. Sa sandaling mahayag sa liwanag ang mga pamamaraan ni Satanas, sa sandaling malantad ang tunay nitong anyo, magpupuyos ito sa labis na pagkapoot at ilalantad ang kalupitan nito; ang pagnanais nitong pinsalain at lamunin ang mga tao ay lalo lamang titindi. Ang dahilan nito ay sumiklab ito sa galit dahil sa pagkagising ng tao; nagbubuo ito ng isang malakas na paghihiganti laban sa tao dahil sa kanilang hangarin na manabik sa kalayaan at kaliwanagan, at makawala mula sa kulungan nito. Ang labis na poot nito ay naglalayong ipagtanggol ang kasamaan nito at ito rin ay isang tunay na pagbubunyag ng malupit na kalikasan nito.
Sa bawa’t pagkakataon, inilalantad ng gawi ni Satanas ang masamang kalikasan nito. Mula sa lahat ng mga masasamang gawa na dinala ni Satanas sa tao—mula sa naunang mga pagsisikap nito na dayain ang tao upang sundin ito, hanggang sa panggagamit nito sa tao, kung saan ay kinakaladkad nito ang tao tungo sa masasama nitong gawa, at paghihiganti ni Satanas tungo sa tao matapos malantad ang tunay nitong mga anyo at nakilala at tinalikdan ito ng mga tao—wala kahit isa ang nabigong ilantad ang masamang diwa ni Satanas; wala kahit isa ang nabigong patunayan na si Satanas ay walang kaugnayan sa mga positibong bagay; wala kahit isa ang nabigong patunayan na si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng masasamang mga bagay. Ang bawa’t isa sa mga kilos nito ay pangangalaga sa kasamaan nito, pagpapanatili sa pagpapatuloy ng masasamang mga gawa nito, pagkalaban sa matuwid at positibong mga bagay, pagsira sa mga batas at kaayusan ng karaniwang pag-iral ng sangkatauhan. Ang mga ito ay napopoot sa Diyos at ang mga ito ang wawasakin ng galit ng Diyos. Bagaman si Satanas ay may sariling pagkapoot, ang poot nito ay isang pamamaraan upang mailabas ang masamang kalikasan nito. Ang dahilan kung bakit si Satanas ay naiinis at galit na galit ay: Nalantad ang di-masambit na mga pamamaraan nito; ang mga lihim na balak nito ay hindi madaling takasan; ang marahas na mithiin at pagnanasa nito na palitan ang Diyos at kumilos bilang Diyos ay nasira at nahadlangan; ang layunin nitong kontrolin ang buong sangkatauhan ay hindi nangyari at hindi na kailanman matutupad. Ang paulit-ulit na pagtawag ng Diyos sa Kanyang galit ang nagpahinto sa pagsasakatuparan ng mga balak ni Satanas at pumigil sa pagdami at paglaganap ng kasamaan ni Satanas; kaya kapwa kinamumuhian at kinatatakutan ni Satanas ang galit ng Diyos. Ang bawa’t paglalapat ng galit ng Diyos ay hindi lamang naglalantad sa tunay na kasuklam-suklam na anyo ni Satanas; inilalantad din nito ang masasamang mga pagnanasa ni Satanas sa liwanag. Kasabay nito, ang mga dahilan ng labis na pagkapoot ni Satanas laban sa sangkatauhan ay ganap nang nailantad. Ang pagsabog ng labis na poot ni Satanas ay isang tunay na pagbubunyag ng masamang kalikasan nito, isang paglalantad ng mga pamamaraan nito. Siyempre, sa bawa’t pagsiklab ng galit ni Satanas, ipinahahayag nito ang pagkawasak ng masasamang mga bagay; ipinahahayag nito ang proteksyon at pagpapatuloy ng mga positibong bagay, at ipinahahayag nito ang kalikasan ng galit ng Diyos—ang hindi kayang saktan!
Hindi Dapat Umasa ang Tao sa Karanasan at Imahinasyon upang Malaman ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos
Kapag nakita mo ang iyong sarili na nakaharap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, sasabihin mo kaya na may halo ang salita ng Diyos? Sasabihin mo kayang may kasinungalingan sa likod ng pagkapoot ng Diyos, at ang Kanyang pagkapoot ay may halo? Sisiraan mo ba ang Diyos, sasabihing ang Kanyang disposisyon ay hindi naman kailangang lubos na matuwid? Kapag nakikitungo sa bawa’t isang gawa ng Diyos, kailangang tiyakin mo muna na malaya ang matuwid na disposisyon ng Diyos mula sa anumang ibang mga elemento, na ito ay banal at walang kapintasan; kasama sa mga gawang ito ang pagpapabagsak, pagpaparusa at pagwasak ng Diyos sa sangkatauhan. Walang malilisanan, ang bawa’t isa sa mga gawa ng Diyos ay nangyari sa mahigpit na pag-ayon sa Kanyang likas na disposisyon at Kanyang plano—hindi kasama dito ang kaalaman, tradisyon at pilosopiya ng sangkatauhan—at ang bawa’t isa sa mga gawa ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at diwa, na walang kaugnayan sa anumang bagay na kabilang sa tiwaling sangkatauhan. Sa mga pagkaintindi ng tao, tanging ang pag-ibig ng Diyos, kaawaan at pagpapaubaya sa tao ang walang-bahid, walang-halo at banal. Gayunman, walang nakaaalam na ang labis na poot ng Diyos at ang Kanyang galit ay wala ring halo; dagdag pa rito, walang nakapagmuni-muni ng mga tanong tulad ng bakit hindi kinukunsinti ng Diyos ang pagkakasala o bakit ang Kanyang labis na galit ay napakalaki. Sa kabaligtaran, napagkakamalan ng ilan ang galit ng Diyos na damdamin ng tiwaling sangkatauhan; ang pagkaunawa nila sa galit ng Diyos ay labis na pagkapoot ng tiwaling sangkatauhan; buong pagkakamali rin nilang ipinalalagay na ang labis na poot ng Diyos ay katulad lamang ng likas na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Nagkamali sila sa paniniwala na ang pagpapadala ng galit ng Diyos ay katulad lamang ng galit ng tiwaling sangkatauhan, na nagmumula sa sama ng loob; naniniwala pa sila na ang pagpapadala ng galit ng Diyos ay pagpapahayag ng Kanyang damdamin. Pagkatapos ng pagsasamahang ito, umaasa ako na ang bawa’t isa sa inyo na narito ay hindi na magkakaroon ng anumang mga maling pagkaintindi, mga guni-guni o mga pag-aakala tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at umaasa Ako na pagkatapos ninyong marinig ang Aking mga salita, magkakaroon na kayo sa inyong mga puso ng tunay na pagkakilala tungkol sa galit ng matuwid na disposisyon ng Diyos, na maisasantabi na ninyo ang anumang nakaraang maling pagkaunawa sa galit ng Diyos, na kaya na ninyong baguhin ang inyong mga maling paniniwala at mga pananaw tungkol sa diwa ng galit ng Diyos. Dagdag pa rito, umaasa Ako na magkakaroon na kayo ng tumpak na pakahulugan sa disposisyon ng Diyos sa inyong mga puso, na hindi na kayo magkakaroon pa ng anumang pag-aalinlangan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi na ninyo ipagpupumilit ang anumang pantaong pagmamatuwid o imahinasyon tungo sa tunay na disposisyon ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang tunay na sariling diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong mga relasyon o mga pagkatali sa alinman sa nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging bahagi ng nilikha, at kahit na maging kaanib Siya ng mga nilikhang nilalang, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatuwid, ang pagkilala sa Diyos ay hindi pagkilala sa isang bagay; hindi ito pagsusuri sa isang bagay, ni pag-unawa sa isang tao. Kapag ginagamit mo ang iyong kaisipan o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi mo kailanman makakayang maabot ang kaalaman ng Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatuwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan; bukod dito, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi kaugma sa tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong imahinasyon upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging paraan ay ganito: tanggapin lahat ang nagmumula sa Diyos at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na liliwanagan ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong kooperasyon at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan. At sa pamamagitan nito, tatapusin na natin ang bahaging ito ng ating pag-uusap.
(II) Nakakamit ng Tao ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos sa pamamagitan ng Tapat na Pagsisisi
Ang sumusunod ay ang biblikal na kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive.”
(Jonas 1:1-2) Ang salita nga si Jehova ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagka’t ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.
(Jonas 3) At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na aking iniutos sa iyo. Sa gayo’y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ni Jehova. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak. At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya’y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Dios at magsisisi, at hihiwalay sa kaniyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay. At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.
(Jonas 4) Nguni’t naghinanakit na mainam si Jonas, at siya’y nagalit. At siya’y nanalangin kay Jehova, at nagsabi, Ako’y nakikipanayam sa iyo, Oh Jehova, di baga ito ang aking sinabi, nang ako’y nasa aking lupain pa? Kaya’t ako’y nagmadaling tumakas na patungo sa Tarsis; sapagka’t talastas ko na ikaw ay Dios na mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi ka sa kasamaan. Kaya nga, Oh Jehova, isinasamo ko sa iyo, na kitlin mo ang aking buhay; sapagka’t mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay. At sinabi ni Jehova, Mabuti baga ang iyong ginagawa na magalit? Nang magkagayo’y lumabas si Jonas sa bayan, at naupo sa dakong silanganan ng bayan, at doo’y gumawa siya ng isang balag, at naupo siya sa ilalim niyaon sa lilim, hanggang sa kaniyang makita kung ano ang mangyayari sa bayan. At naghanda ang Diyos na Jehova ng isang halamang kikayon, at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kaniyang ulo, upang iligtas siya sa kaniyang masamang kalagayan. Sa gayo’y natuwang mainam si Jonas dahil sa kikayon. Nguni’t naghanda ang Dios ng isang uod nang magumaga nang kinabukasan at sinira ang halamang kikayon, na anopa’t natuyo. At nangyari, nang sumikat ang araw, na naghanda ang Dios ng mainit na hanging silanganan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, na anopa’t siya’y nanglupaypay, at hiniling niya tungkol sa kaniya na siya’y mamatay, at nagsasabi, Mabuti sa akin ang mamatay kay sa mabuhay. At sinabi ng Dios kay Jonas, Mabuti baga ang ginagawa mo na magalit dahil sa kikayon? At kaniyang sinabi, Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan. At sinabi ni Jehova, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?
Buod ng Kasaysayan ng Ninive
Bagaman ang kasaysayan ng “Pagliligtas ng Diyos sa Ninive” ay maigsi lamang, pinapayagan nito na sulyapan ang kabilang bahagi ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Upang lubos na maunawaan kung ano ang nilalaman ng bahaging iyon, kailangang balikan natin ang Kasulatan at tingnan ang isa sa mga ginawa ng Diyos.
Tingnan muna natin ang pasimula ng kasaysayang ito: “Ang salita nga ni Jehova ay dumating kay Jonas na anak ni Amittai, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at humiyaw ka laban doon; sapagka’t ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko” (Jonas 1:1-2). Sa mga talatang ito mula sa Kasulatan, alam natin na inutusan ng Diyos na si Jehovah si Jonas na magtungo sa lungsod ng Ninive. Bakit Niya inutusan si Jonas na magpunta sa lungsod na ito? Malinaw ang sinabi sa Biblia tungkol dito: Ang kasalanan ng mga tao sa buong lungsod ay nakaabot sa paningin ng Diyos na si Jehovah, kaya isinugo Niya si Jonas upang ipahayag sa kanila ang nais Niyang gawin. Kahit na walang nakatala kung sino si Jonas, ito ay, siyempre, walang kaugnayan sa pagkilala sa Diyos. Kaya, hindi ninyo kailangang makilala ang taong ito. Ang tanging kailangan ninyong malaman ay kung ano ang iniutos ng Diyos kay Jonas na gawin at bakit ginawa Niya ang bagay na ito.
Umabot ang Babala ng Diyos na si Jehovah sa mga Taga-Ninive
Magpatuloy tayo sa ikalawang talata, ang ikatlong kabanata ng Aklat ni Jonas: “At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsasabi, Apat na pung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” Ito ang mga salita na direktang ipinasasabi ng Diyos kay Jonas para sa mga taga-Ninive. Siyempre, ito rin ang mga salita na nais sabihin ni Jehovah sa mga taga-Ninive. Sinasabi sa mga tao ng mga salitang ito na nagsimulang kasuklaman at kamuhian ng Diyos ang mga mamamayan ng lungsod dahil ang kanilang kasamaan ay nakarating na sa paningin ng Diyos, kaya ninais Niyang wasakin ang lungsod na ito. Gayunman, bago wasakin ng Diyos ang lungsod, ipaaalam muna Niya ito sa mga taga-Ninive, at kasabay niyan ay bibigyan Niya sila ng pagkakataon na magsisi sa kanilang kasamaan at magsimula ng panibago. Magtatagal lamang ng apatnapung araw ang pagkakataon na ito. Sa madaling salita, kapag hindi nagsisi ang mga tao sa loob ng lungsod, aminin ang kanilang mga kasalanan o magpakumbaba sa harap ng Diyos na si Jehovah sa loob ng apatnapung araw, wawasakin ng Diyos ang lungsod tulad ng ginawa Niya sa Sodoma. Ito ang nais sabihin ng Diyos na si Jehovah sa mga taga-Ninive. Malinaw na hindi ito simpleng pahayag. Hindi lamang nito ipinapahiwatig ang galit ng Diyos na si Jehovah, ipinapahiwatig din nito ang Kanyang damdamin sa mga taga-Ninive; at gayun din, nagsisilbi rin ang simpleng pahayag na ito bilang taimtim na babala sa mga taong naninirahan sa loob ng lungsod. Ang babalang ito ang magsasabi sa kanila na ang kanilang masasamang gawa ay nagdulot ng pagkapoot ng Diyos na si Jehovah, at magsasabi sa kanila na ang kanilang masasamang gawain ang magdadala sa kanila sa bingit ng kanilang sariling pagkalipol; kaya ang buhay ng bawat isa sa Ninive ay nasa nalalapit na kapahamakan.
Ang Payak na Pagkakaiba ng Reaksyon ng Ninive at Sodoma sa Babala ng Diyos na si Jehovah
Ano ang ibig sabihin ng mapabagsak? Sa pangkaraniwang termino, ang ibig sabihin nito ay paglaho. Ngunit sa anong paraan? Sino ang makapagpapabagsak sa isang buong lungsod? Siyempre, imposibleng magawa ng isang tao ang gayong gawain. Hindi mga hangal ang mga taong ito; sa sandaling narinig nila ang pahayag na ito, nakuha na nila ang ideya. Alam nila na mula ito sa Diyos; alam nila na isasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain; alam nila na ang kanilang kasamaan ang nagpasiklab sa poot ng Diyos na si Jehovah at nagdala ng Kanyang galit sa kanila, kaya sila ay malapit nang puksain kasama ng kanilang lungsod. Paano kumilos ang mga mamamayan ng lungsod matapos nilang marinig ang babala ng Diyos na si Jehovah? Inilarawan ng Biblia ang malinaw na detalye kung paano tumugon ang mga tao, mula sa kanilang hari hanggang sa pangkaraniwang tao. Batay sa tala ng Kasulatan: “At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Dios; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari sa Ninive, at siya’y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at itinanyag sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at magsidaing silang mainam sa Dios: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kaniyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay. …”
Matapos marinig ang pahayag ng Diyos na si Jehovah, ang mga mamamayan ng Ninive ay nagpakita ng pag-uugali na lubos na kabaliktaran ng mga tao sa Sodoma—ang mga mamamayan ng Sodoma ay hayagang kinalaban ang Diyos, nagpapatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, ngunit matapos marinig ang mga salitang ito, hindi binalewala ng mga taga-Ninive ang bagay na ito, ni tinanggihan man; sa halip, naniwala sila sa Diyos at nagpahayag ng pag-aayuno. Ano ang tinutukoy ng “naniwala” dito? Ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng pananampalataya at pagpapasakop. Kung gagamitin natin ang mismong ginawa ng mga taga-Ninive upang ipaliwanag ang salitang ito, nangangahulugan ito na naniwala sila na gagawin at kayang gawin ng Diyos ang Kanyang sinabi, at nakahanda silang magsisi. Ang mga taga-Ninive ba ay nakadama ng takot sa harap ng nalalapit na panganib? Ang kanilang paniniwala ang nagdulot ng takot sa kanilang mga puso. Pero ano ang magagamit natin upang patunayan ang paniniwala at takot ng mga taga-Ninive? Tulad ng sinasabi sa Biblia: “at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila.” Ito ang magsasabi na ang mga taga-Ninive ay tunay na naniwala, at nagdulot ng takot ang paniniwalang ito, na humantong sa pag-aayuno at pagsusuot ng sako. Ganito nila ipinakita ang simula ng kanilang pagsisisi. Sa lubos na kabaliktaran sa mga taga-Sodoma, hindi lamang sa hindi nilabanan ng mga taga-Ninive ang Diyos, malinaw din nilang ipinakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at mga pagkilos. At siyempre, hindi lamang ito para sa mga karaniwang mamamayan ng Ninive; maging ang kanilang hari ay hindi natatangi.
Ang Pagsisisi ng Hari ng Ninive ang Pumukaw sa Papuri ng Diyos na si Jehovah
Nang marinig ng hari ng Ninive ang balitang ito, tumayo siya mula sa kanyang trono, hinubad ang kanyang balabal, nagdamit ng sako at umupo sa abo. Pagkatapos ay kanyang ipinahayag na wala kahit isa ang papayagang tumikim ng pagkain, at walang mga hayop, mga tupa at baka ang kakain o iinom ng tubig. Pareho na ang tao at ang hayop ay magdadamit ng sako; lahat ng mamamayan ay magmamakaawa sa Diyos. Ipinahayag din ng hari na bawat isa sa kanila ay tatalikod na sa kanilang masasamang gawain at tatalikdan ang karahasan ng kanilang mga kamay. Sa paghatol sa sunod-sunod na mga gawaing ito, ipinakita ng hari ng Ninive ang kanyang taos-pusong pagsisisi. Ang sunod-sunod na mga pagkilos na kanyang ginawa—pagtayo mula sa kanyang trono, paghubad sa kanyang balabal ng pagiging hari, pagdamit ng sako at pag-upo sa abo—ang nagpahayag sa mga tao na isinantabi ng hari ng Ninive ang kanyang kalagayan bilang hari at nagdamit ng sako kasama ang mga pangkaraniwang mamamayan. Masasabi natin na ang hari ng Ninive ay hindi nanatili sa kanyang pagiging hari para ipagpatuloy ang kanyang masamang gawa, o ang karahasan sa kanyang mga kamay matapos marinig ang balita mula sa Diyos na si Jehovah; sa halip, isinantabi niya ang awtoridad na kanyang hawak at nagsisi sa harap ng Diyos na si Jehovah. Sa pagkakataong ito, hindi nagsisisi ang hari ng Ninive bilang hari; humarap siya sa Diyos upang magkumpisal at magsisi sa kanyang mga kasalanan bilang isang pangkaraniwang nilalang ng Diyos. Bukod pa dito, sinabihan din niya ang buong lungsod na magkumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehovah tulad ng ginawa niya; dagdag pa dito, may tiyak siyang plano kung paano isasagawa ito, tulad ng makikita sa Kasulatan: “Huwag lumasa maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anomang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig: ... at magsidaing silang mainam sa Diyos: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kanyang masamang lakad, at ang pangdadahas na nasa kanilang mga kamay.” Bilang tagapamahala ng lungsod, ang hari ng Ninive ay nagtataglay ng pinakamataas na kalagayan at kapangyarihan at makakaya niyang gawin ang anumang bagay na kanyang naisin. Nang matanggap ang pahayag ng Diyos na si Jehovah, maaari naman niyang balewalain na lang ito o nangumpisal na lamang at nagsisi sa kanyang mga kasalanan nang nag-iisa; kung pipiliin ng mga tao sa lungsod ang magsisi o hindi, maaari naman niyang pabayaan na lamang nang lubusan ang bagay na ito. Ngunit hindi kailanman ito ginawa ng hari ng Ninive. Hindi lamang siya tumayo mula sa kanyang trono, nagdamit ng sako at naupo sa abo at nangumpisal at nagsisi sa kanyang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehovah, inutusan din niya ang lahat ng mga tao at mga hayop sa buong lungsod na gayon din ang gawin. Inutusan pa niya ang mga tao na “buong taimtim na tumawag sa Diyos.” Sa pamamagitan ng mga sunod-sunod na gawaing ito, tunay na nagampanan ng hari ng Ninive kung paano maging tagapamahala; ang kanyang mga ginawa ay isang bagay na mahirap gawin ng sinumang hari sa kasaysayan, at isang bagay din na walang nakagawa. Ang mga gawaing ito ay maaaring tawagin na wala pang nakagagawa noon sa kasaysayan ng sangkatauhan; sila ay karapat-dapat na parehong alalahanin at tularan ng sangkatauhan. Simula sa pagsisimula ng tao, pinangunahan ng bawat hari ang kanyang mga nasasakupan na tanggihan at labanan ang Diyos. Wala kahit isa ang pinangunahan ang kanyang mga nasasakupan na magsumamo sa Diyos upang tubusin sila sa kanilang kasamaan, tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos na si Jehovah at maiwasan ang nalalapit na kaparusahan. Subalit ang hari ng Ninive ay nakayang pangunahan ang kanyang mga nasasakupan na manumbalik sa Diyos, iwan na ang kanilang makasalanang mga gawa at layuan na ang karahasan sa kanilang mga kamay. Bukod pa dito, nagawa rin niyang iwanan ang kanyang trono, at bilang ganti, nagbago ang isip at nag-iba ang damdamin ng Diyos na si Jehovah at binawi ang Kanyang galit, at hinayaan ang mga mamamayan ng lungsod na maligtas at malayo mula sa pagkawasak. Ang ginawa ng hari ay maaari lamang matawag na isang pambihirang himala sa kasaysayan ng tao; at maaari din silang matawag na isang modelo ng tiwaling sangkatauhan na mangumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos.
Nakita ng Diyos ang Tapat na Pagsisisi sa Kaibuturan ng mga Puso ng mga Taga-Ninive
Pagkatapos mapakinggan ang pagpapahayag ng Diyos, ang hari ng Ninive at ang kanyang mga nasasakupan ay nagsagawa ng serye ng mga pagkilos. Ano ang kalikasan ng kanilang asal at mga gawa? Sa madaling salita, ano ang diwa ng kabuuan ng kanilang pag-uugali? Bakit nila ginawa ang kanilang nagawa? Sa mata ng Diyos, matapat ang kanilang pagsisisi, hindi lamang dahil buong sikap silang nagsumamo sa Diyos at nangumpisal sa kanilang mga kasalanan sa harap Niya, kundi dahil na rin sa iniwan na nila ang kanilang makasalanang pag-uugali. Ginawa nila ang ganito dahil matapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, labis silang natakot at naniwala na gagawin Niya ang Kanyang sinabi. Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadamit ng sako at pag-upo sa abo, ninais nilang ipahayag ang kanilang pagpayag na baguhin ang kanilang mga pamamaraan at tumigil na sa kasamaan, upang manalangin sa Diyos na si Jehovah na pigilin ang Kanyang galit, upang magsumamo sa Diyos na si Jehovah na bawiin ang Kanyang pasya, gayun din ang malaking kapahamakan na malapit nang dumating sa kanila. Sa pamamagitan ng pagsiyasat sa kanilang pag-uugali, makikita natin na nauunawaan na nila na ang kanilang nakaraang masasamang gawa ay kasuklam-suklam sa Diyos na si Jehovah at nauunawan nila ang dahilan kung bakit malapit na Niya silang puksain. Dahil sa mga rason na ito, ninais nilang lahat na lubusang magsisi, talikuran ang kanilang masasamang gawa, at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling salita, nang maunawaan na nila ang pahayag ng Diyos na si Jehovah, ang bawat isa sa kanila ay nakadama ng takot sa kanilang mga puso; hindi na nila ipinagpatuloy ang kanilang masamang pag-uugali ni hindi na nagpatuloy na gawin ang mga gawaing kinamumuhian ng Diyos na si Jehovah. Dagdag pa dito, nagsumamo sila sa Diyos na si Jehovah na patawarin ang kanilang mga nakaraang kasalanan at huwag silang parusahan batay sa kanilang mga nakaraang ginawa. Nakahanda silang hindi na muling mamumuhay sa kasamaan at gagawa na sila ayon sa mga ipinag-uutos ng Diyos na si Jehovah, hindi na nila muling pasisiklabin ang galit ng Diyos na si Jehovah. Tapat at ganap ang kanilang pagsisisi. Galing ito sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nagkukunwari, ni hindi ito pansamantala.
Sa sandaling nalaman ng mga taga-Ninive, mula sa kataas-taasang hari hanggang sa kanyang mga nasasakupan, na nagagalit sa kanila ang Diyos na si Jehovah, ang bawat isa sa kanilang mga gagawin, ang kanilang buong asal, maging ang bawat pagpapasya at pagpili ay malinaw at lantad sa paningin ng Diyos. Nagbago ang puso ng Diyos ayon sa kanilang pag-uugali. Ano ang nasa isip ng Diyos ng mga sandaling iyon? Kayang sagutin ng Biblia ang tanong na iyan para sa iyo. Ayon sa nakatala sa Kasulatan: “At nakita ng Dios ang kanilang mga gawa, na sila’y nagsihiwalay sa kanilang masamang lakad; at nagsisi ang Dios sa kasamaan, na kaniyang sinabing kaniyang gagawin sa kanila; at hindi niya ginawa.” Bagaman binago ng Diyos ang Kanyang isip, walang bagay na magulo tungkol sa kalagayan ng Kanyang kaisipan. Binago lamang Niya ang kalagayan mula sa paghahayag ng Kanyang galit tungo sa pagpapakalma ng Kanyang galit, at pagkatapos ay nagpasya na huwag nang dalhin ang malupit na kapahamakan sa lungsod ng Ninive. Ang dahilan kung bakit napagpasyahan ito ng Diyos—na iligtas ang mga taga-Ninive mula sa malupit na kapahamakan—nang napakabilis ay napagmasdan ng Diyos ang puso ng bawat tao sa Ninive. Nakita Niya ang kanilang itinatago mula sa kalaliman ng kanilang mga puso: ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, ang kanilang tapat na paniniwala sa Kanya, ang kanilang malalim na pakiramdam kung paano na ang kanilang kasamaan ay lubos na nagpagalit sa Kanyang disposisyon, at nagdulot ito ng takot sa nalalapit na kaparusahan ng Diyos na si Jehovah. At gayun din naman, narinig rin ng Diyos na si Jehovah ang mga panalangin mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso na taimtim na nakiusap na pigilin Niya ang Kanyang galit laban sa kanila upang makaiwas sila sa parating na kapahamakan. Nang mapansin ng Diyos ang lahat ng mga pangyayaring ito, unti-unting naglaho ang Kanyang galit. Kahit gaano kalaki ang Kanyang galit sa nakaraan, nang makita Niya ang tapat na pagsisisi sa kaibuturan ng mga puso ng mga taong ito, nabagbag nito ang Kanyang puso, kaya hindi Niya makayang dalhin ang kapahamakan sa kanila, at humupa na ang Kanyang galit sa kanila. Sa halip, patuloy Niyang ipinadama ang Kanyang awa at pagpapaubaya sa kanila at patuloy silang ginabayan at tinustusan.
Kung ang Paniniwala Mo sa Diyos ay Totoo, Madalas Mong Matatanggap ang Kanyang Pagkalinga
Ang pagbabago ng Diyos ng Kanyang mga intensyon sa mga mamamayan ng Ninive ay walang kasamang pag-aalinlangan o kalabuan. Sa halip, pag-iba ito ng anyo mula sa ganap na pagkagalit tungo sa ganap na pagpaparaya. Ito ay isang tunay na pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga kilos ay malinaw at tumatagos sa lahat, dalisay at walang kapintasan, tiyak na walang mga daya o mga balakin na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kasamaan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive dahil ang kanilang masasamang gawa ay nakaabot na sa Kanyang paningin; sa panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Ngunit, nang mawala na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa pag-uugali ng tao para sa Diyos. Sa loob ng buong panahon na ito, ang hindi maaaring saktan na disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng mga masasamang gawa ang mga tao at magkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang galit ay unti-unting ididiin hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Magpapahayag man ang Diyos ng galit o awa at kagandahang-loob, ang asal, damdamin at saloobin ng tao para sa Diyos na nagmumula sa kalaliman ng kanyang puso ang magdidikta ng kung ano ang ipapahayag sa pamamagitan ng pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Kung patuloy na ipaiilalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, malamang na ang puso ng taong ito ay lumalaban sa Diyos. Dahil hindi siya kailanman nagsisi nang lubusan, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pag-iingat ng Diyos at madalas makamit ang Kanyang awa at pagpaparaya, ibig sabihin ang taong ito sa kanyang puso ay walang alinlangan na may tunay na paniniwala sa Diyos, at ang kanyang puso ay hindi lumalaban sa Diyos. Madalas siyang nagsisisi sa harap ng Diyos; kaya, kahit madalas dumating sa kanya ang disiplina ng Diyos, hindi ang Kanyang galit.
Ang maikling kwento na ito ay nagpapahintulot sa mga tao na makita ang puso ng Diyos, para makita ang katotohanan ng Kanyang diwa, para makita na ang Kanyang galit at ang pagbabago ng Kanyang puso ay may dahilan. Sa kabila ng malinaw na pagkakaiba na ipinakita ng Diyos nang Siya ay magalit at nang baguhin Niya ang Kanyang puso, bagay na nagpaniwala sa mga tao na parang may malaking puwang o malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawang anyong ito ng diwa ng Diyos—ang Kanyang galit at ang Kanyang pagpaparaya—ang saloobin ng Diyos sa pagsisisi ng mga taga-Ninive ay muling nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makita ang kabilang bahagi ng tunay na disposisyon ng Diyos. Ang pagbabago ng puso ng Diyos ay tunay na nagbibigay ng pagkakataon sa sangkatauhan na makitang muli ang katotohanan ng awa at kabutihan ng Diyos at upang makita ang tunay na pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Ngunit kailangan ng sangkatauhan na kilalanin na ang awa at kabutihan ng Diyos ay hindi mga kathang-isip, ni mga gawa-gawa lamang. Ito ay dahil totoo ang nararamdaman ng Diyos sa pagkakataon na iyon; ang pagbabago ng puso ng Diyos ay totoo; tunay na minsan pang ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan.
Ang Tunay na Pagsisisi sa Puso ng mga Taga-Ninive ang Nagdulot sa Kanila ng Awa ng Diyos at Nagpabago sa Kanilang Sariling Kahihinatnan
May anumang pagkakasalungat ba sa pagitan ng pagbabago ng puso ng Diyos at sa Kanyang galit? Siyempre wala! Ito ay dahil may dahilan ang pagpaparaya ng Diyos sa pagkakataong ito. Ano kaya ang dahilan na ito? Ito ang sinabi sa Biblia: “Bawat tao ay lumayo sa kanyang masamang gawi” at “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay.”
Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi ang masamang pinagmumulan sa likod ng pag-uugali ng mga tao. “Ang paglayo sa kanyang masamang gawi” ay nangangahulugan na hindi na nila muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila muling mamumuhay sa masamang gawing ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga gawain ay nagbago lahat; hindi na nila muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at ipinakita nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na kalagayan ng mga tao, gayun din ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa, gayun din ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga intensiyon, umatras sa Kanyang pagpapasya at hindi na sila parurusahan o lilipulin man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang mga buhay at natamo din nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saan iniatras din ng Diyos ang Kanyang galit.
Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay Hindi Bihira—Ang Totoong Pagsisisi ng Tao ang Ganoon
Kahit gaano man ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng sako at naupo sa abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang baguhin ang Kanyang puso. Nang sabihin Niyang wawasakin Niya ang kanilang lungsod—ang panahon bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan— galit pa din sa kanila ang Diyos. Nang dumaan sila sa serye ng mga pagsisisi, unti-unting humupa ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive at napalitan ng awa at pagpaparaya sa kanila. Walang anumang salungatan tungkol sa magkaparehong pagbubunyag ng dalawang anyo ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan? Magkasunod na ipinahayag ng Diyos ang dalawang magkatapat na bahaging ito ng mga anyo nang magsisi ang mga taga-Ninive, upang makita ng mga tao ang katunayan at hindi pagkikimkim ng diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Ito ay hindi dahil kinukunsinti ng Diyos ang mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; ito ay dahil sa bihira silang magsisi nang tapat sa Diyos, at bihirang talikdan ng mga tao ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na makakaya ng tao na magsisi ng tapat, at umaasa Siya na makikita ang tunay na pagsisisi ng tao, na dahil dito, buong laya Niyang ipagpapatuloy na ipagkaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang ugali ng tao ang nagdudulot ng galit ng Diyos, at kung saan ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at tatalikod sa karahasan ng kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay malinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi lubhang mahirap na makamit; hinihingi Niya lamang ang tunay na pagsisisi. Kapag ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at iiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin sa kanila.
Ang Matuwid na Disposisyon ng Manlilikha ay Tunay at Malinaw
Nang baguhin ng Diyos ang Kanyang puso para sa mga taga-Ninive, isang pakunwari lamang ba ang Kanyang awa at pagpaparaya? Siyempre hindi! Kung gayon, ano ang pinayagang makita mo sa pagbabago sa pagitan ng dalawang aspetong ito ng disposisyon ng Diyos sa panahon ng magka-parehong bagay? Ang disposisyon ng Diyos ay ganap na buo; hindi ito kailanman nahati. Nagpapahayag man Siya ng galit o awa at pagpaparaya sa mga tao, ang lahat ng ito ay kapahayagan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay tunay at malinaw. Binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pagbabago ng mga bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at pananaw; hindi Siya isang robot o putik na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, at maaari din Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan batay sa kanilang pag-uugali; maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Mas gusto ng mga tao na sundin ang mga batas nang wala sa loob, at mas gusto nilang gamitin ang mga batas upang itatag at bigyang kahulugan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang alamin ang disposisyon ng Diyos. Kaya batay sa naaabot ng kaisipan ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang matibay na mga pananaw. Sa katotohanan, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago ng mga bagay at kapaligiran; habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, naipahahayag ang iba’t ibang anyo ng diwa ng Diyos. Sa panahong ito ng proseso ng pagbabago, at sa sandaling baguhin ng Diyos ang Kanyang puso, ipinahahayag Niya sa sangkatauhan ang katotohanan ng pag-iral ng Kanyang buhay, at ipinahahayag Niya na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay tunay at malinaw. Bukod pa rito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang tunay na mga paghahayag upang patunayan sa sangkatauhan ang katotohanan ng Kanyang galit, awa, kabutihan at ang Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay maipahahayag sa anumang oras o saan mang lugar ayon sa mga pagbabago ng mga bagay. Nagtataglay Siya ng galit ng isang leon at pagmamahal at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi hinahayaang mapagdudahan, malapastangan, mabago o pasamain ng sinumang tao. Sa lahat ng mga pangyayari at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, iyon ay ang, galit ng Diyos at awa ng Diyos, ay maaaring maihayag anumang oras o saan mang lugar. Malinaw Niyang ipinapahiwatig ang mga anyong ito sa bawat sulok at bahagi ng kalikasan at maliwanag Niyang isinasakatuparan ito sa bawat sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi limitado ng panahon o lugar, o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o naipapakita ayon sa idinidikta ng mga hangganan ng panahon o lugar. Sa halip, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay malayang naihahayag at naipapakita sa anumang panahon o saan mang lugar. Kapag nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghayag ng Kanyang galit at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Nineve, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang galit ng Diyos ay naglalaman ng walang saysay na mga salita? Kapag ipinadama ng Diyos ang matinding galit at iniurong ang Kanyang awa, masasabi mo ba na hindi Siya nakakaramdam ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Naghahayag ng matinding galit ang Diyos bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang galit ay walang kapintasan. Naaantig ang puso ng Diyos dahil sa pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang bumabago sa Kanyang puso. Maari Siyang maantig, ang pagbabago ng Kanyang puso maging ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao ay lubos na walang kapintasan; sila ay malinis, dalisay, walang dungis at walang halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay tunay na pagpaparaya; ang Kanyang awa ay tunay na awa. Ibinubunyag ng Kanyang disposisyon ang galit, gayon din ang awa at pagpaparaya, batay sa pagsisisi ng tao at sa kanyang asal. Kahit ano man ang Kanyang ipahayag at ipadama, lahat ng ito ay dalisay; lahat ng ito ay direkta; ang diwa nito ay iba sa anumang nilikha. Ang mga prinsipyo ng mga gawain na ipinapahiwatig ng Diyos, ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya o anumang partikular na pagpapasya, maging ang anumang isahang gawain, ay walang bahid ng anumang mga kapintasan at dungis. Ayon sa pasya ng Diyos, iyon ang Kanyang gagawin, at sa paraang ito gagawin Niya ang dapat Niyang gawin. Ang mga uri ng resultang ito ay tiyak at walang mali sapagkat ang pinagmulan nila ay walang kapintasan at walang dungis. Ang galit ng Diyos ay walang kapintasan. Gayun din, ang awa at pagpaparaya ng Diyos, na hindi taglay ng anumang nilalang, ay banal at walang kapintasan, at makakaya nilang tumayo sa deliberasyon at karanasan.
Matapos maunawaan ang kasaysayan ng Ninive, nakita ba ninyo ang kabilang bahagi ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Nakita ba ninyo ang kabilang bahagi ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon ba sa sangkatauhan ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon? Mayroon bang nagtataglay ng ganitong uri ng galit tulad ng sa Diyos? Mayroon bang nagtataglay ng awa at pagpaparaya tulad ng sa Diyos? Sino sa mga nilikha ang makakapagpatawag ng maraming galit at makapagpapasya na wasakin o magdala ng kalamidad sa sangkatauhan? At sino ang karapat-dapat na magbigay ng awa, na magparaya at patawarin ang tao, at pagkatapos ay baguhin ang pasya na lipulin ang tao? Ipinahayag ng Manlilikha ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling natatanging mga pamamaraan at prinsipyo; hindi Siya nakapailalim sa kontrol o mga pagpigil ng sinumang mga tao, mga pangyayari o anumang mga bagay. Dahil sa Kanyang natatanging disposisyon, walang sinuman ang makagagawang baguhin ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang maaring humimok sa Kanya at baguhin ang kahit ano sa Kanyang mga pagpapasya. Ang kabuuan ng asal at mga kaisipan ng nilikha ay umiiral sa ilalim ng paghatol ng Kanyang matuwid na disposisyon. Walang sinumang makakontrol sa Kanyang pagpapadama ng galit o awa; tanging ang diwa lamang ng Manlilikha—o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Manlilikha—ang makapagpapasya dito. Ito ang natatanging kalikasan ng matuwid na disposisyon ng Maylalang!
Sa sandaling masuri at maunawaan natin ang pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, magagawa niyo bang gamitin ang salitang "natatangi" upang ilarawan ang awa na matatagpuan sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Nasabi na natin sa nakaraan na ang galit ng Diyos ay isang anyo ng diwa ng Kanyang natatanging matuwid na disposisyon. Ilalarawan ko ngayon ang dalawang anyo, ang galit ng Diyos at ang awa ng Diyos, bilang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay banal; ito ay hindi nasasaktan at mapagdududahan; isa itong bagay na wala sa anumang nilalang o hindi nilalang na mga katauhan. Ito ay parehong natatangi at sa Diyos lamang. Masasabi natin na ang galit ng Diyos ay banal at hindi maaaring saktan; at gayun din naman, ang isa pang anyo ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang awa ng Diyos—ay banal at hindi maaaring saktan. Walang sinuman sa mga nilikha o hindi nilikhang nilalang ang maaring pumalit o kumatawan sa Diyos sa Kanyang mga gawain, ni walang maaring pumalit at kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagligtas sa Ninive. Ito ang tunay na pagpapahayag ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos.
Ang Tapat na Damdamin ng Manlilikha sa Sangkatauhan
Madalas na sinasabi ng mga tao na hindi madaling bagay ang kilalanin ang Diyos. Ngunit sinasabi ko na ang pagkilala sa Diyos ay hindi mahirap na bagay, sapagkat madalas na hinahayaan ng Diyos ang tao na pagmasdan ang Kanyang mga gawa. Hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang pakikipag-usap sa mga tao; hindi Niya kailanman itinago o inilihim ang Sarili Niya sa tao. Ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga pananaw, ang Kanyang mga salita at mga gawa ay inihayag lahat sa sangkatauhan. Kaya hanggga’t nais ng tao na makilala ang Diyos, makakalapit siya upang maunawaan at makilala Siya sa pamamagitan ng lahat ng mga paraan at pamamaraan. Ang dahilan kung bakit bulag ang tao sa pag-iisip na sinasadyang iwasan siya ng Diyos, na sinasadyang pagtaguan ng Diyos ang sangkatauhan, na ang Diyos ay walang intensyon na payagan ang tao na maunawaan at makilala Siya, dahil hindi niya alam kung sino ang Diyos, ni hindi niya ninais na maunawaan ang Diyos; higit sa lahat, wala siyang pakialam sa mga kaisipan, mga salita o mga gawa ng Manlilikha…. Sa totoo lang, kung gagamitin lamang ng isang tao ang kanilang bakanteng oras upang pagtuunan ng pansin at unawain ang mga salita at gawa ng Manlilikha, at magbigay ng kaunting pansin sa mga kaisipan ng Manlilikha at sa tinig ng Kanyang puso, hindi magiging mahirap para sa kanila na maunawaan na madaling makita at malinaw ang mga kaisipan, mga salita at mga gawa ng Manlilikha. Gayundin, kailangan lang ng kaunting pagsisikap upang maunawaan na ang Manlilikha ay nasa kalagitnaan ng mga tao sa lahat ng panahon, na lagi Siyang nakikipag-usap sa tao at sa buong sangnilikha, at Siya ay nagsasagawa ng mga bagong gawa sa araw-araw. Ang Kanyang diwa at disposisyon ay nahahayag sa Kanyang pakikipag-usap sa tao; Ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay lubos na nahahayag sa Kanyang mga gawa; Sinasamahan Niya at inoobserbahan ang sangkatauhan sa lahat ng panahon. Tahimik Siyang nagsasalita sa sangkatauhan at sa lahat ng nilikha sa Kanyang mahinang tinig: Ako ay nasa mga kalangitan, at Ako ay nasa kalagitnaan ng Aking mga nilikha. Ako’y patuloy na nagmamasid; Ako’y naghihintay; Ako’y nasa iyong tabi…. Ang Kanyang mga kamay ay mainit-init at malakas; ang Kanyang mga yapak ay magaan; ang Kanyang tinig ay mahina at malambing; ang Kanyang anyo ay nagbabago-bago, niyayakap ang buong sangkatauhan; ang Kanyang mukha ay maganda at mahinhin. Hindi Siya kailanman umalis ni naglaho man. Mula madaling-araw hanggang pagkagat-dilim, Siya ang patuloy na kasama ng sangkatauhan. Ang Kanyang matapat na pag-iingat at natatanging pagmamahal sa sangkatauhan, gayon din ang Kanyang tunay na pagmamalasakit at pag-ibig sa tao, ay ipinadama Niya ng paunti-unti nang iligtas Niya ang lungsod ng Ninive. Sa partikular, ang pag-uusap sa pagitan ng Diyos na si Jehovah at ni Jonas ang naglatag nang mas malinaw sa pagkahabag ng Manlilikha sa sangkatauhan na nilikha Niya mismo. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, makakamit mo ang malalim na pagkaunawa sa tapat na nararamdaman ng Diyos para sa sangkatauhan…
Ang mga sumusunod ay nakatala sa Aklat ni Jonas 4:10-11: “At sinabi ni Jehova, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Ang mga ito ang aktuwal na sinabi ng Diyos na si Jehovah, sa pag-uusap sa pagitan Niya at ni Jonas. Bagaman ang palitang ito ay maigsi lamang, ito ay puno ng pagkalinga ng Manlilikha sa sangkatauhan at ang Kanyang pag-aatubili na bitawan siya. Ang mga salitang ito ay nagpapahayag sa tunay na saloobin at nararamdaman ng Diyos sa Kanyang puso para sa Kanyang nilikha, at sa pamamagitan ng malinaw na mga salitang ito, na madalang marinig ng tao, ay inihayag ng Diyos ang Kanyang tunay na intensyon para sa sangkatauhan. Ang pagpapalitan na ito ay kumakatawan sa saloobin na ipinadama ng Diyos sa mga mamamayan ng Ninive—ngunit anong uri ng saloobin ito? Ito ang saloobin na Kanyang ipinahayag sa mga taga-Ninive bago at pagkatapos ng kanilang pagsisisi. Ganito rin ang pagtrato ng Diyos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, matatagpuan ng tao ang Kanyang mga kaisipan, gayon din ang Kanyang disposisyon.
Anong mga kaisipan ng Diyos ang naihayag sa mga salitang ito? Sa masusing pagbabasa ay makikita agad na ginamit Niya ang salitang “awa”; ang paggamit sa salitang ito ay nagpapakita ng tunay na saloobin ng Diyos para sa sangkatauhan.
Mula sa isang pananaw ng kahulugan ng salita, maaaring bigyang kahulugan ang salitang “awa” sa iba’t ibang paraan: una, ang mahalin at ingatan, ang maramdaman ang pagiging malambing sa isang bagay; pangalawa, ang magmahal nang buong giliw; panghuli, ang parehong ayaw manakit at hindi kayang tiisin ang gawin ito. Sa madaling sabi, nagpapahiwatig ito ng maingat na pagmamahal at pag-ibig, gayun din ang hindi pagnanais na isuko ang isang tao o isang bagay; nangangahulugan ito ng awa at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Bagaman gumamit ang Diyos ng isang salita na madalas ginagamit ng mga tao, inilalantad ng paggamit ng salitang ito ang tinig ng puso ng Diyos at ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan.
Kahit na ang lungsod ng Ninive ay puno ng mga taong tiwali, masama at marahas katulad ng Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang naging dahilan para magbago ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila lipulin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at kautusan ng Diyos ay nagpakita ng saloobing ganap na kabaliktaran ng mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tapat na pagpapasakop sa Diyos at tapat na pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, gayon din sa kanilang tunay at matapat na pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, minsan pa ay ipinadama ng Diyos ang Kanyang taos-pusong awa at ipinagkaloob ito sa kanila. Ang gantimpala ng Diyos at ang Kanyang pagkahabag sa sangkatauhan ay imposibleng gayahin ng sinuman; walang tao ang maaaring magtaglay ng awa o pagpaparaya ng Diyos, maging ang Kanyang tapat na damdamin para sa sangkatauhan. May sinuman ba na ipinapalagay mong dakilang lalaki o babae, o maging isang makapangyarihang tao, na, nagmumula sa isang mataas na kalagayan, na nagsasalita bilang isang dakilang lalaki o babae o sa isang pinakamataas na kalagayan, na makagagawa ng ganitong uri ng panawagan sa sangkatauhan o sa sangnilikha? Sino sa sangkatauhan ang makaaalam sa mga kundisyon ng pamumuhay ng mga tao na tulad ng palad ng kanilang mga kamay? Sino ang makakabuhat sa pasanin at pananagutan para sa pag-iral ng sangkatauhan? Sino ang may kakayahang ipahayag ang pagkawasak ng isang lungsod? At sino ang may kakayahang patawarin ang isang lungsod? Sino ang makapagsasabi na minamahal nila ang kanilang sariling nilikha? Tanging ang Manlilikha lamang! Tanging ang Manlilikha ang naaawa sa sangkatauhang ito. Tanging ang Manlilikha ang nagpapakita ng lambing at pagmamahal sa sangkatauhang ito. Tanging ang Manlilikha lamang ang may tunay at hindi napapatid na pagmamahal para sa sangkatauhan. Gayun din, tanging ang Manlilikha lamang ang nakapagkakaloob ng kaawaan sa sangkatauhang ito at umiibig sa lahat ng Kanyang nilikha. Lumulundag at sumasakit ang Kanyang puso sa bawat gawain ng tao: Siya ay nagagalit, nababalisa, at nagdadalamhati sa kasamaan at katiwalian ng tao. Siya ay nalulugod, nagagalak, nagpapatawad at nagsasaya sa pagsisisi at paniniwala ng tao; ang bawat bahagi ng Kanyang mga kaisipan at ideya ay umiiral at umiikot para sa sangkatauhan; kung ano Siya at mayroon Siya ay lubos na ipinahayag para lamang sa sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga damdamin ay nakaugnay sa pamumuhay ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng mga tao, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat bahagi ng Kanyang buhay; itinatalaga Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay…. Hindi Niya kailanman natutunan kung paano kaawaan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang kinakaawaan at minamahal ang sangkatauhan na Kanyang nilikha Mismo…. Ibinigay Niyang lahat ang nasa Kanya para sa sangkatauhang ito…. Ibinibigay Niya ang Kanyang awa at pagpaparaya nang walang kundisyon at walang inaasahang ganti. Ginagawa lamang Niya ito upang patuloy na mamuhay ang sangkatauhan sa Kanyang harapan, na tinatanggap ang Kanyang biyaya ng buhay; ginagawa lamang Niya ito upang isang araw ay magpasakop sa Kanya ang sangkatauhan at kilalanin na Siya ang Nag-iisang tumutustos sa pamumuhay ng tao at nagkakaloob ng buhay sa lahat ng nilalang.
Ipinapahayag ng Manlilikha ang Kanyang Tunay na Nararamdaman sa Sangkatauhan
Ang pag-uusap na ito sa pagitan ng Diyos na si Jehovah at ni Jonas ay walang duda na isang pagpapahayag ng tunay na nararamdaman ng Manlilikha sa sangkatauhan. Sa isang banda, ipinaaalam nito sa mga tao ang pagkaunawa ng Manlilikha sa buong sangnilikha na nasa ilalim ng Kanyang pamamahala; tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehovah, “At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking bayang yaon, na mahigit sa isang daan at dalawang pung libong katao na hindi marunong magmunimuni ng kanilang kamay at ng kanilang kaliwang kamay; at marami ring hayop?” Sa madaling salita, ang pagkaunawa ng Diyos sa Ninive ay malayo sa isang pahapyaw. Hindi lang Niya alam kung ilan ang bilang ng mga nabubuhay sa loob ng lungsod (kasama na ang mga tao at mga hayop), alam din Niya kung ilan ang hindi nakaaalam sa pagitan ng kanilang kanan at kaliwang kamay—ibig sabihin, ilang mga bata at kabataan ang naroroon. Ito ay isang matibay na katunayan sa lubos na pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan. Sa kabilang banda, ipinaaalam ng pag-uusap na ito sa mga tao ang tungkol sa saloobin ng Manlilikha para sa sangkatauhan, ibig sabihin, ang bigat ng sangkatauhan sa puso ng Manlilikha. Katulad lang ito ng sinabi ng Diyos na si Jehovah: “At sinabi ni Jehova, Ikaw ay nanghinayang sa kikayon na hindi mo pinagpagalan o pinatubo man; na sumampa sa isang gabi, at nawala sa isang gabi: At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive sa malaking bayang yaon…?” Ito ay mga salita ng paninisi ng Diyos na si Jehovah kay Jonas, ngunit lahat ng ito ay totoo.
Bagaman pinagkatiwalaan si Jonas upang ipangaral ang salita ng Diyos na si Jehovah sa mga taga-Ninive, hindi niya naunawaan ang intensyon ng Diyos na si Jehovah, ni naunawaan ang Kanyang mga pag-aalala at mga inaasahan sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng mahigpit na pangangaral na ito, nais ng Diyos na sabihin sa kanya na ang sangkatauhan ay produkto ng Kanyang sariling mga kamay, at ang Diyos ay naglaan ng maingat na paggawa para sa bawat tao; dala-dala ng bawat tao ang mga pag-asa ng Diyos; tinatamasa ng bawat tao ang tustos na buhay ng Diyos; sa bawat tao, nagbayad ang Diyos ng isang malaking halaga. Ang mahigpit na pangangaral na ito ay nagpaalala din kay Jonas na pinapahalagahan ng Diyos ang sangkatauhan, ang gawa ng Kanyang sariling mga kamay, tulad ng pagpapahalaga ni Jonas sa halaman. Hindi sila madaling iiwanan ng Diyos kahit sa anumang paraan hanggang sa huling sandali; lalo na, napakaraming mga bata at mga inosenteng hayop sa loob ng lungsod. Kapag nakikitungo sa mga batang ito at sa mga inosenteng nilalang ng Diyos, na hindi man lang alam ang kaibahan ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa, lalong hindi kayang tapusin ng Diyos ang kanilang buhay at itakda ang kanilang kahihinatnan sa isang madaliang paraan. Umaasa ang Diyos na makita silang lumaki; umaasa Siya na hindi sila lalakad sa landas na nilakaran ng kanilang mga magulang, na hindi na nila muling maririnig ang babala ng Diyos na si Jehovah, at magiging saksi sila sa nakaraan ng Ninive. Bukod pa dito, umaasa ang Diyos na makita ang mga taga-Ninive pagkatapos nilang magsisi, na makita ang hinaharap ng Ninive matapos ang kanilang pagsisisi, at higit na mahalaga sa lahat, na makita ang Ninive na muling namumuhay sa ilalim ng awa ng Diyos. Kaya, sa mata ng Diyos, ang mga nilikhang ito na hindi alam ang kaibahan ng kanilang kanan sa kaliwang kamay ay ang kinabukasan ng Ninive. Sila ang papasan sa kasuklam-suklam na nakaraan ng Ninive, tulad ng kanilang pagpasan sa mahalagang tungkulin ng pagiging saksi sa nakaraan at hinaharap ng Ninive sa ilalim ng paggabay ng Diyos na si Jehovah. Sa pahayag na ito ng Kanyang tunay na nararamdaman, iniharap ng Diyos na si Jehovah ang nararamdamang awa ng Manlilikha para sa sangkatauhan sa kanyang kabuuan. Ipinakikita nito sa sangkatauhan na ang “awa ng Manlilikha” ay hindi isang walang laman na mga salita, ni isang mababaw na pangako; mayroon itong matibay na mga prinsipyo, pamamaraan at layunin. Siya ay tunay at totoo, at hindi gumagamit ng mga kasinungalingan o pagpapanggap, at sa parehong pagkakataong ito, ang Kanyang awa ay walang hanggang ipinagkaloob sa buong sangkatauhan sa lahat ng panahon at gulang. Ngunit hanggang sa araw na ito, ang pakikipag-usap ng Manlilikha kay Jonas ay ang nag-iisa at natatanging pahayag ng Diyos kung bakit nagpakita Siya ng awa sa sangkatauhan, kung paano Siya nagpakita ng awa sa sangkatauhan, paano Siya nagparaya sa sangkatauhan at ang Kanyang tunay na nararamdaman para sa sangkatauhan. Ang maikli ngunit malinaw na pangungusap ng Diyos na si Jehovah ay pagpapahayag ng Kanyang kumpletong mga kaisipan para sa sangkatauhan; ito ay isang tunay na kapahayagan ng saloobin ng Kanyang puso para sa sangkatauhan; at isa rin itong matibay na patunay ng Kanyang pagkakaloob ng masaganang awa sa sangkatauhan. Ang Kanyang awa ay hindi lamang ipinagkaloob sa nakatatandang mga henerasyon; ito ay ipinagkaloob din sa mga nakababatang miyembro ng sangkatauhan, kagaya lang ng dati, mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod. Bagaman ang galit ng Diyos ay madalas dumarating sa mga tiyak na lugar at tiyak na panahon ng sangkatauhan, ang awa ng Diyos ay hindi kailanman nawala. Sa Kanyang awa, ginagabayan at pinapangunahan Niya ang isang henerasyon ng Kanyang nilikha pagkatapos ng sumunod, tinutustusan at pinagpapala ang isang henerasyon ng nilikha pagkatapos ng sumunod, sapagkat ang Kanyang tunay na nararamdaman para sa sangkatauhan ay hindi kailanman magbabago. Tulad ng sinabi ng Diyos na si Jehovah: “At hindi baga ako manghihinayang sa Ninive…?” Lagi Niyang pinapahalagahan ang Kanyang sariling nilikha. Ito ang awa ng matuwid na disposisyon ng Manlilikha, at ito rin ang dalisay na pagkabukod-tangi ng Manlilikha!
(III) Limang Uri ng mga Tao
Pansamantala, iiwan ko muna ng ganun ang ating pagsasamahan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang susunod ay Aking uuriin ang mga tagasunod ng Diyos sa iba’t ibang kategorya, batay sa kanilang pagkaunawa sa Diyos at ang kanilang pagkaunawa at karanasan sa Kanyang matuwid na disposisyon, upang malaman ninyo ang antas na inyong kinabibilangan sa kasalukuyan gayun din ang inyong kasalukuyang tayog. Batay sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos at ang kanilang pagkaunawa sa Kanyang matuwid na disposisyon, ang iba’t ibang mga antas at kalagayan na hinahawakan ng mga tao ay pangkalahatang maaaring mahati sa limang mga uri. Ang paksang ito ay ipinapalagay batay sa pagkakaalam sa natatanging Diyos at sa Kanyang matuwid na disposisyon; kaya, habang binabasa ninyo ang sumusunod na nilalaman, kailangang subukan ninyo nang buong ingat na alamin ng tumpak kung gaano kalaki ang pagkaunawa at kaalaman na mayroon kayo tungkol sa pagkabukod-tangi ng Diyos at ang Kanyang matuwid na disposisyon, at gamitin ninyo ito upang hatulan kung saang antas na kayo nabibilang, gaano kalaki ang tunay ninyong tayog, at kung anong uring tao kayo talaga.
Ang unang uri ay ang antas na kinikilala bilang ang “sanggol na nakabigkis ng damit”.
Ano ang isang sanggol na nakabigkis ng damit? Ang isang sanggol na nakabigkis ng damit ay isang sanggol na kadarating pa lamang sa mundong ito, isang bagong silang. Ito ang panahon na ang mga tao ay nasa kanilang pinakamaliit at pinakamura na anyo.
Ang mga tao sa antas na ito ay wala talagang taglay na kamalayan o kaalaman sa mga bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sila ay naguguluhan at walang alam sa maraming bagay. Ang mga taong ito ay maaaring naniwala sa Diyos sa matagal na panahon o hindi pa naman katagalan, ngunit ang kanilang pagkalito at walang nalalamang kalagayan at ang kanilang tunay na tayog ang naglagay sa kanila sa antas ng isang sanggol na nakabigkis ng damit. Ang tiyak na kahulugan ng mga kalagayan ng isang sanggol na nakabigkis ng damit ay tulad ng: Gaano man katagal naniwala sa Diyos ang uri ng taong ito, lagi siyang natataranta, nalilito at simpleng mag-isip; hindi niya alam kung bakit siya naniniwala sa Diyos, ni hindi niya alam kung sino ang Diyos o ano ang Diyos. Bagaman sumusunod siya sa Diyos, walang tumpak na kahulugan ang Diyos sa kanyang puso, at hindi niya malaman kung ang sinusunod ba niya ay ang Diyos, mas lalo na kung talagang tunay siyang maniniwala sa Diyos at susunod sa Kanya. Ito ang tunay na mga kalagayan ng ganitong uri ng tao. Ang kaisipan ng mga taong ito ay malabo, at sa simpleng salita, ang kanilang paniniwala ay puno ng kalituhan. Lagi silang nabubuhay sa isang kalagayan ng pagkalito at tulala; natataranta, nalilito, at simpleng mag-isip ang nagbubuod sa kanilang mga katayuan. Hindi nila nakita ni naramdaman ang presensya ng Diyos, kaya ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa pagkilala sa Diyos ay parang pagpapabasa sa kanila ng isang aklat na nakasulat sa hyeroglipika; hindi nila maiintindihan ito ni tatanggapin man. Para sa kanila, ang pagkilala sa Diyos ay katulad ng pakikinig sa isang hindi kapani-paniwalang kuwento. Bagaman ang kanilang isipan ay maaaring malabo, sa katunayan ay matatag ang kanilang paniniwala na ang pagkilala sa Diyos ay isang pag-aaksaya ng panahon at lakas. Ito ang unang uri ng tao; isang sanggol na nakabigkis ng damit.
Ang pangalawang uri ay ang antas ng “sanggol na pinapasuso”.
Kung ihahambing sa isang sanggol na nakabigkis ng damit, ang uring ito ng tao ay may nagawang ilang progreso. Ang nakakalungkot, wala pa rin silang anumang pagkaunawa sa Diyos. Kulang pa rin sila ng malinaw na pagkaunawa at pananaw tungkol sa Diyos, at hindi sila masyadong malinaw kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos, ngunit sa kanilang mga puso may sarili silang layunin at malinaw na mga ideya. Hindi sila nag-aalala kung tama ba na maniwala sila sa Diyos. Ang mithiin at layunin na kanilang kinakamit sa pamamagitan ng paniniwala sa Diyos ay para matamasa ang Kanyang biyaya, para magkaroon ng kagalakan at kapayapaan, para mabuhay ng maginhawa, para matamo ang pagkalinga at proteksyon ng Diyos at mabuhay sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos. Hindi nila iniisip kung anumang antas ang kanilang pagkakilala sa Diyos; wala silang pagnanais na hangaring maunawaan ang Diyos, ni mag-alala sila kung ano ang ginagawa ng Diyos o ano ang mga nais Niyang gawin. Walang taros lang nilang ninanais ang matamasa ang Kanyang biyaya at matanggap ang mas maraming pagpapala Niya; hinahangad nilang matanggap ang marami sa kasalukuyang panahon, at buhay na walang hanggan sa panahong darating. Ang kanilang mga kaisipan, paggastos at panata, at maging ang kanilang paghihirap, ay sama-sama sa parehong layunin: para makamit ang biyaya at pagpapala ng Diyos. Wala silang malasakit para sa anumang bagay. Nakatitiyak lamang ang ganitong uri ng tao na iingatan sila ng Diyos at ipagkakaloob sa kanila ang Kanyang biyaya. Masasabi ng sinuman na hindi sila intresado at hindi masyadong malinaw sa kung bakit nais ng Diyos na iligtas ang tao o ang nais ng Diyos na makuhang resulta sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Hindi sila kailanman gumagawa ng paraan upang malaman ang diwa at matuwid na disposisyon ng Diyos, ni nag-ukol ng interes na gawin ito. Hindi nila binibigyan ng pansin ang mga bagay na ito, ni magnais na malaman ang mga ito. Hindi nila binalak na tanungin ang tungkol sa gawa ng Diyos, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, ang kalooban ng Diyos o anumang may kaugnayan sa Diyos; ni hindi man lamang sila nabahala na tanungin ang tungkol sa mga bagay na ito. Ang dahilan ay dahil naniniwala sila na ang mga bagay na ito ay walang kaugnayan sa kanilang pagtamasa sa biyaya ng Diyos; ang iniisip lamang nila ay ang Diyos na kayang magkaloob ng biyaya at may kaugnayan sa kanilang mga pansariling interes. Wala silang interes sa kahit kanino pa man, kaya hindi sila maaaring pumasok sa realidad ng katotohanan, kahit gaano pa karaming taon na sila’y naniwala sa Diyos. Kung walang tao na magdidilig o magpapakain sa kanila nang madalas, mahihirapan silang magpatuloy sa landas ng paniniwala sa Diyos. Kung hindi nila matatamasa ang kanilang naunang kagalakan at kapayapaan o matamasa ang biyaya ng Diyos, mas malamang na sila ay umurong na. Ito ang pangalawang uri ng tao: ang taong nabubuhay sa antas ng sanggol na pinapasuso.
Ang pangatlong uri ay ang antas ng inaawat na sanggol—ang antas ng pagiging bata.
Ang grupong ito ng mga tao ay nagtataglay ng ilang malinaw na kamalayan. Ang mga taong ito ay may kamalayan na ang pagtamasa sa biyaya ng Diyos ay hindi nangangahulugan na taglay na nila mismo sa kanilang sarili ang tunay na karanasan; alam nila na kung hindi sila mapapagod sa paghanap ng kagalakan at kapayapaan, ng paghahanap ng biyaya, o kung makakaya nilang sumaksi sa pamamagitan ng pagbahagi sa kanilang mga karanasan sa pagtamasa sa biyaya ng Diyos o sa pamamagitan ng pagpuri sa mga pagpapala na ipinagkakaloob sa kanila ng Diyos, ang mga bagay na ito ay hindi nangangahulugan na taglay nila ang buhay, ni nangangahulugan na taglay nila ang reyalidad ng katotohanan. Simula nang sila’y nagkamalay, itinigil nila ang pag-asa nang labis na sila ay sasamahan lamang ng biyaya ng Diyos; sa halip, habang tinatamasa nila ang biyaya ng Diyos, kasabay na hinahangad nila ang gumawa ng ibang bagay para sa Diyos; handa silang isagawa ang kanilang mga tungkulin, na tiisin ang kaunting hirap at kapaguran, na magkaroon ng ilang antas ng pakikipagtulungan sa Diyos. Ngunit, dahil ang pagsunod nila sa kanilang paniniwala sa Diyos ay sobrang may halo, dahil ang pansariling mga intensyon at pagnanais na kanilang iniingatan ay sobrang malakas, dahil ang kanilang disposisyon ay sobrang mayabang, napakahirap para sa kanila na bigyang kasiyahan ang nais ng Diyos o maging tapat sa Diyos; kaya, madalas nilang hindi nauunawaan ang kanilang pansariling mga kagustuhan o igalang ang kanilang mga pangako sa Diyos. Madalas nilang masumpungan ang kanilang mga sarili sa mga kalagayang pagsasalungat: Gustong-gusto nilang bigyang kasiyahan ang Diyos sa pinakamataas na antas, ngunit ginagamit nila ang kanilang lakas upang kalabanin Siya; madalas silang mangako sa Diyos ngunit madali ring pabayaan ang kanilang mga pangako. Lalong madalas na nakikita nila ang kanilang mga sarili sa iba pang pagsasalungat na kalagayan: Buong katapatan silang naniniwala ngunit ikinakaila nila ang Diyos at lahat ng mga bagay na nagmumula sa Kanya; balisa silang umaasa na liliwanagan sila ng Diyos, pangungunahan sila, tutustusan sila, at tutulungan sila, ngunit ang sarili pa rin nilang pamamaraan ang sinusunod. Nais nilang unawain at kilalanin ang Diyos, ngunit hindi nila nais na lumapit sa Kanya. Sa halip, lagi nilang iniiwasan ang Diyos; sarado ang kanilang puso sa Kanya. Samantalang mayroon silang mababaw na pagkaunawa at karanasan sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan, at isang mababaw na konsepto ng Diyos at katotohanan, sa kawalang malay ay hindi pa rin nila matiyak o masigurado kung ang Diyos ang katotohanan; hindi nila natitiyak kung talagang ang Diyos ay tunay na matuwid; ni hindi nila masigurado ang katunayan ng diwa at disposisyon ng Diyos, mas lalo na ang Kanyang tunay na pag-iral. Ang kanilang paniniwala sa Diyos ay laging may kaakibat na mga pag-aalinlangan at 'di pagkakaunawa, at mayroon ding mga imahinasyon at mga pagkaintindi. Habang tinatamasa nila ang biyaya ng Diyos, nag-aatubili din silang maranasan o isagawa ang ilan sa kanilang pinaniniwalaan na mga maaaring katotohanan, upang pagyamanin ang kanilang paniniwala, upang makatulong sa kanilang karanasan sa paniniwala sa Diyos, upang tiyakin ang kanilang pagkaunawa sa paniniwala sa Diyos, upang bigyang-kasiyahan ang kanilang mayabang na paglalakad sa landas ng buhay na mismo nilang itinatag at pagsasagawa ng isang matuwid na hangarin sa sangkatauhan. Gayun din, ginagawa din nila ang mga bagay na ito upang bigyang-kasiyahan ang kanilang sariling pagnanais para magkamit ng mga pagpapala, upang gumawa sila ng isang pagpupusta at magkaroon ng mas maraming pagpapala ng sangkatauhan, upang makamit ang ambisyosong pangarap at panghabang-buhay na pagnanais na hindi titigil hanggang makamit nila ang Diyos. Ang mga taong ito ay bihirang makatamo ng pagliliwanag ng Diyos, sapagkat ang kanilang naisin at ang kanilang intensyon na magkaroon ng mga pagpapala ay napakahalaga sa kanila. Wala silang pagnanais at hindi nila kayang isuko ito. Natatakot sila na kapag wala ang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, kung wala ang matagal nang pinakananais na mithiin na hindi pagpapahinga hangga’t hindi nila makamit ang Diyos, mawawala nila ang kanilang adhikain na maniwala sa Diyos. Kaya hindi na nila nais harapin ang reyalidad. Hindi nila nais na harapin ang salita ng Diyos o ang gawa ng Diyos. Hindi nila nais na humarap sa diwa o disposisyon ng Diyos, mas lalo na ang pagtalakay sa paksang pagkilala sa Diyos. Ang dahilan ay sa sandaling palitan ng Diyos, ng Kanyang diwa at ng Kanyang matuwid na disposisyon ang kanilang mga imahinasyon, ang kanilang mga pangarap ay maglalahong parang usok; ang kanilang tinatawag na dalisay na pananampalataya at “mga gantimpala” na naipon sa maraming taon ng masikap na pagtatrabaho ay maglalaho at mauuwi sa wala; ang kanilang “teritoryo” na kanilang nilupig sa pamamagitan ng kanilang dugo at pawis sa maraming taon ay mabibingit sa pagbagsak. Nagpapahiwatig ito na ang kanilang maraming taon ng paghihirap sa trabaho at pagsisikap ay mawalan ng saysay, at kailangan nilang magsimulang muli sa wala. Ito ang pinakamatinding kirot na kanilang papasanin sa kanilang mga puso, at ito ang resulta na pinakaayaw nilang makita; kaya lagi silang nakakulong sa ganitong uri ng kalagayan, tumatangging bumalik muli. Ito ang pangatlong uri ng tao: ang taong nasa antas ng pagiging bata.
Ang tatlong uri ng mga tao na inilarawan sa itaas—sa madaling salita, ang mga taong nabubuhay sa tatlong antas na ito—ay hindi nagtataglay ng anumang tunay na paniniwala sa pagkakakilanlan at kalagayan ng Diyos o sa Kanyang matuwid na disposisyon, ni wala silang anumang malinaw, siguradong pagkilala o pagpapatunay sa mga bagay na ito. Kaya napakahirap para sa tatlong uri ng mga taong ito na pumasok sa realidad ng katotohanan, at napakahirap din para sa kanila na tanggapin ang awa ng Diyos, pagliliwanag o pagpapalinaw sapagkat ang pamamaraan ng kanilang paniniwala sa Diyos at ang kanilang maling pag-uugali tungo sa Diyos ay nagdudulot na maging imposible para sa Kanya na makapagtrabaho sa kanilang mga puso. Ang kanilang mga pag-aalinlangan, mga maling pagkaintindi at mga imahinasyon patungkol sa Diyos ay lumagpas na sa kanilang paniniwala at pagkaalam sa Diyos. Ito ang tatlong napakapanganib na uri ng mga tao, gayun din ay tatlong napakapanganib na mga antas. Kapag pinanatili ng isang tao ang pag-aalinlangan sa Diyos, sa Kanyang diwa, sa Kanyang pagkakakilanlan, ang tungkol sa kung ang Diyos ang katotohanan at ang katunayan ng Kanyang pag-iral at hindi nakatitiyak sa mga bagay na ito, paano matatanggap ng sinuman na ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos? Paano matatanggap ng sinuman ang katunayan na ang Diyos ang katotohanan, ang daan at ang buhay? Paano matatanggap ng sinuman ang pagkastigo at paghatol ng Diyos? Paano matatanggap ng isang tao ang pagliligtas ng Diyos? Paano makakamtan ng ganitong uri ng tao ang tunay na paggabay at pagtustos ng Diyos? Ang mga nasa tatlong antas na ito ay kayang labanan ang Diyos, magbigay ng paghatol sa Diyos, lapastanganin ang Diyos o ipagkanulo ang Diyos kahit anumang oras. Makakaya nilang talikuran ang tunay na daan at ipagkanulo ang Diyos sa anumang oras. Masasabi ng sinuman na ang mga tao sa tatlong mga antas na ito ay nabubuhay sa isang kritikal na kalagayan, sapagkat hindi sila nakapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.
Ang pang-apat na uri ay ang antas ng pagiging ganap na bata; ang pagkabata.
Pagkatapos mawalay ang isang tao—iyon ay, kapag natamasa na nila ang sapat na dami ng biyaya, nagsisimula na silang magsaliksik kung ano ang ibig sabihin ng maniwala sa Diyos, ang naisin na maunawaan ang maraming mga tanong, tulad ng bakit nabubuhay ang tao, paano dapat mamuhay ang tao at bakit isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao. Kapag lumitaw ang mga hindi malinaw na kaisipan at mga nakalilitong paniniwala sa kanilang kalooban at nanatili ito sa kanilang kalooban, patuloy silang nakatatanggap ng pagdidilig at nakakayang magampanan din ang kanilang tungkulin. Sa panahong ito, wala na silang anumang mga pag-aalinlangan tungkol sa katotohanan ng pag-iral ng Diyos, at may tiyak na silang pagkaintindi sa kung ano ang kahulugan ng maniwala sa Diyos. Sa ibabaw ng pundasyong ito, nagkaroon sila ng unti-unting pagkakilala sa Diyos, at unti-unti nilang nakamtan ang mga kasagutan sa kanilang malalabong mga kaisipan at nakalilitong mga paniniwala tungkol sa diwa at disposisyon ng Diyos. Tungkol sa kanilang mga pagbabago sa disposisyon at gayon din sa kanilang kaalaman sa Diyos, ang mga tao sa antas na ito ay nagsisimulang tumuntong sa tamang landas at pumasok sa isang panahon ng pagbabago. Sa loob ng yugtong ito na ang mga tao ay nagsisimulang magkaroon ng buhay. Ang malinaw na mga indikasyon ng pagkakaroon ng buhay ay ang unti-unting kasagutan sa iba’t ibang mga katanungan na may kaugnayan sa pagkilala sa Diyos na nasa puso ng mga tao—mga 'di pagkakaunawaan, mga imahinasyon, mga pagkaintindi, at mga malabong pakahulugan sa Diyos—na hindi lamang nila lubos na pinaniwalaan at nalaman ang katunayan ng pag-iral ng Diyos kundi nagtataglay din ng malinaw na kahulugan at oryentasyon ng Diyos sa kanilang mga puso, na ang tunay na pagsunod sa Diyos ang pumalit sa kanilang malabong pananampalataya. Sa yugtong ito, unti-unting nakikilala ng mga tao ang kanilang mga maling pagkaintindi sa Diyos at ang kanilang mga maling gawain at mga pamamaraan ng paniniwala. Nagsimula na silang manabik sa katotohanan, manabik na maranasan ang paghatol, pagtutuwid, at disiplina ng Diyos, manabik sa pagbabago ng kanilang disposisyon. Unti-unti nilang iniiwan ang lahat ng uri ng pagkaintindi at mga imahinasyon tungkol sa Diyos sa yugtong ito; gayundin, binabago nila at itinutuwid ang kanilang maling kaalaman tungkol sa Diyos at tinatamo ang ilang tamang pangunahing kaalaman tungkol sa Diyos. Bagaman may bahagi ng kaalamang taglay ng mga tao sa yugtong ito ang hindi gaanong tiyak o sigurado, sa paanupaman ay dahan-dahan nilang sinimulang iwan ang kanilang mga pagkaintindi, maling kaalaman at mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos; hindi na sila nananatili sa kanilang mga sariling pagkaintindi at mga imahinasyon tungkol sa Diyos. Sinimulan nilang pag-aralan kung paano iwan—iwanan ang mga bagay na makikita sa kanilang mga sariling pagkaintindi, mula sa kaalaman at mula kay Satanas; nagsimula silang magpasakop sa mga bagay na tama at positibo, kahit na sa mga bagay na nagmula sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa katotohanan. Nagsimula rin silang subukang maranasan ang mga salita ng Diyos, upang personal na malaman at ipamuhay ang Kanyang mga salita, upang tanggapin ang Kanyang mga salita bilang mga batayan ng kanilang mga gawain at bilang batayan ng pagbabago ng kanilang disposisyon. Sa panahong ito, walang kamalay-malay na tinanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, walang kamalay-malay na tinanggap ang salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Habang tinanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tinanggap ang mga salita ng Diyos, lalong nadagdagan ang kanilang kaalaman at naramdaman na ang Diyos na kanilang pinaniniwalaan sa kanilang mga puso ay tunay na umiiral. Sa mga salita ng Diyos, sa kanilang mga karanasan at sa kanilang mga buhay, lalo nilang naramdaman na ang Diyos ay laging pumapatnubay sa kapalaran ng tao, nangunguna at tumutustos sa tao. Sa pamamagitan ng kanilang pakikiisa sa Diyos, unti-unti nilang pinatunayan ang pag-iral ng Diyos. Kaya, bago nila maunaawan ito, hindi nila namalayan na pinagtibay na nila at buong tatag na naniwala sa gawa ng Diyos at pinagtibay ang mga salita ng Diyos. Sa sandaling pagtibayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos at ang gawa ng Diyos, patuloy nilang itatanggi ang kanilang mga sarili, itatanggi ang kanilang mga sariling pagkaintindi, kaalaman, imahinasyon at gayun din, patuloy na hahanapin kung ano ang katotohanan at kung ano ang kalooban ng Diyos. Ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos ay medyo mababaw sa panahong ito ng pagbabago—Ni hindi nila maipaliwanag nang maayos ang kaalamang ito gamit ang mga salita, ni magawang ipaliwanag ito nang partikular—at mayroon lamang silang halatang pagkaunawa; ngunit kung itatabi sa tatlong naunang mga antas, ang hindi pa ganap na buhay ng mga tao sa panahong ito ay nakatanggap na ng pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos, at nagsimula nang tumubo. Katulad ito ng isang binhi na ibinaon sa lupa; pagkatapos makakuha ng kaunting tubig at mga nutrina, susulpot na ito mula sa ilalim ng lupa; ang pagtubo nito ang kumakatawan sa pagsilang ng isang bagong buhay. Ang pagsilang na ito ng isang bagong buhay ang nagpahintulot na pagmasdan ng isang tao ang mga palatandaan ng buhay. Kapag may buhay, tiyak na lalago ang mga tao. Kaya, sa ibabaw ng mga pundasyong ito—dahan-dahan silang humahakbang patungo sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos, iniiwan ang kanilang mga sariling pagkaintindi, nakakamit ang patnubay ng Diyos—ang buhay ng mga tao ay tiyak na lalago sa bawat hakbang. Sa anong basehan masusukat ang paglagong ito? Nasusukat ito batay sa kanilang karanasan sa mga salita ng Diyos at sa kanilang tunay na pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Bagaman nahihirapan silang gamitin ang kanilang sariling mga salita upang malinaw na maipaliwanag ang kanilang kaalaman sa Diyos at ang Kanyang diwa sa panahong ito ng paglago, ang grupong ito ng mga tao ay hindi na maghahanap ng pansariling kaligayahan sa pamamagitan ng pagpapakasaya sa biyaya ng Diyos, o ipagpatuloy ang kanilang layunin sa kabila ng paniniwala sa Diyos, iyon ay upang makamit ang Kanyang biyaya. Sa halip, handa silang hanapin ang pamumuhay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, upang sumailalim sa pagliligtas ng Diyos. Dagdag pa dito, nagtataglay sila ng kompyansa at handa nang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang palatandaan ng isang tao sa antas ng paglago.
Bagaman ang mga tao sa antas na ito ay may kaunting kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, ang kaalamang ito ay napakalabo at hindi maunawaan. Dahil hindi nila maipaliwanag ito nang malinaw, pakiramdam nila ay nakapagtamo na sila ng kaunting bagay sa kanilang kalooban, dahil nagkaroon na sila ng kaunting kaalaman at pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos; ngunit sa halip ito ay ganap na mababaw, at nananatili ito sa panimulang baitang pa lamang. Ang grupong ito ng mga tao ay may konkretong pananaw na kanilang ipinakikitungo sa biyaya ng Diyos. Ang pananaw na ito ay nakikita sa pagbabago ng mga layunin na kanilang tinatamo at sa paraan kung paano kamtin ang mga ito. Nakita na nila—sa mga salita at gawa ng Diyos, sa lahat ng uri ng Kanyang hinihingi sa tao at ang Kanyang mga pahayag sa tao—na kung hindi nila patuloy na hahanapin ang katotohanan, kung hindi nila patuloy na sisikaping pumasok sa realidad, kung hindi nila patuloy na kalugdan at kilalanin ang Diyos habang nararanasan nila ang Kanyang mga salita, mawawala nila ang kahalagahan ng paniniwala sa Diyos. Nakikita nila na kahit gaano nila tamasahin ang biyaya ng Diyos, hindi nila mababago ang kanilang disposisyon, mabigyang kasiyahan o makilala ang Diyos, at kung patuloy na mabubuhay ang mga tao sa kalagitnaan ng biyaya ng Diyos, hindi nila matatamo ang paglago, magkaroon ng buhay o makayang tanggapin ang kaligtasan. Sa kabuuan, kapag hindi tunay na naranasan ng isang tao ang mga salita ng Diyos at hindi makayang makilala ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mananatili siya sa antas ng pagiging isang sanggol sa habang panahon, at hindi makagagawa kahit isang hakbang tungo sa paglago sa buhay. Kung habang-buhay kang mananatili sa antas ng isang sanggol, kung hindi ka kailanman pumasok sa realidad ng salita ng Diyos, kung hindi mo inari kailanman ang salita ng Diyos bilang iyong buhay, kung hindi ka kailanman nagkaroon ng tunay na paniniwala at pagkilala sa Diyos, mayroon pa kayang posibilidad na gawin kang ganap ng Diyos? Kaya ang sinumang pumasok sa reyalidad ng salita ng Diyos, ang sinumang tumanggap sa salita ng Diyos bilang kanilang buhay, sinumang magsimulang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, sinumang may tiwaling disposisyon na nagsimulang magbago, at sinumang may puso na nananabik sa katotohanan, may pagnanais na makilala ang Diyos, may pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos—ang mga taong ito ang tunay na nagtataglay ng buhay. Ito ang tunay na pang-apat na uri ng tao, ang pagiging ganap na bata, ang tao sa antas ng pagkabata.
Ang panlimang uri ay ang antas ng ganap na buhay, o ang antas ng pagiging matanda.
Matapos maranasan ang antas ng pagiging sanggol ng isang bata, ang antas na ito ng paglago ay puno nang paulit-ulit na kabaligtaran, ang buhay ng mga tao ay naging matatag, hindi na humihinto ang kanilang pagsulong, ni wala nang sinumang nakahahadlang sa kanila. Bagaman ang daan sa hinaharap ay mabato at baku-bako pa rin, hindi na sila mahihina o matatakutin; hindi na sila nangangapa sa hinaharap o nawawala ang kanilang tindig. Ang kanilang mga pundasyon ay malalim ang ugat dahil sa tunay na karanasan sa salita ng Diyos. Ang kanilang mga puso ay nahila sa pamamagitan ng karangalan at kadakilaan ng Diyos. Nananabik silang sundan ang mga hakbang ng Diyos, na alamin ang diwa ng Diyos, na makilala ang Diyos sa Kanyang kabuuan.
Ang mga tao sa antas na ito ay malinaw nang alam kung sino ang kanilang pinaniniwalaan, at malinaw na nilang alam kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos at ang kahulugan ng kanilang mga sariling buhay; at malinaw na rin nilang alam na lahat ng bagay na inihahayag ng Diyos ay katotohanan. Sa maraming taon ng kanilang karanasan, naunawaan nila na kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi magagawa ng sinuman na bigyang-lugod o makilala ang Diyos, ni hindi makakayang makalapit ang sinuman sa harap ng Diyos. Sa loob ng puso ng mga taong ito ay may masidhing pagnanais na subukin sila ng Diyos, upang makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos habang sinusubok sila, upang magtamo ng isang dalisay na pag-ibig, at gayundin, upang lalong tunay na maunawaan at makilala ang Diyos. Ang mga kabilang sa antas na ito ay lubos nang nakapagpaalam sa antas ng pagiging sanggol, sa antas ng pagtamasa sa biyaya ng Diyos at sa pagkain ng tinapay at sa pagiging busog. Hindi na sila naglalagay ng sobrang pag-asa na magpaparaya ang Diyos at magpapakita ng awa sa kanila; sa halip, nagtitiwala sila na tatanggap at aasa sa patuloy na pagkastigo at paghatol ng Diyos, upang ihiwalay ang kanilang mga sarili mula sa kanilang tiwaling disposisyon at bigyang kasiyahan ang Diyos. Ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos, ang kanilang mga hangarin o ang panghuling mga mithiin ng kanilang mga hangarin: ang mga bagay na ito ay maliwanag na lahat sa kanilang mga puso. Kaya ang mga tao sa antas ng matanda ay ganap nang nakapagpaalam sa antas ng malabong pananampalataya, patungo sa antas kung saan umaasa sila sa biyaya para sa kaligtasan, sa antas ng hindi ganap na buhay na hindi makatagal sa mga pagsubok, sa antas ng pagiging malabo, sa antas ng pangangapa, sa antas nang madalas na walang landas na nilalakaran, sa walang pirmihang panahon ng pagpapalit-palit sa pagitan ng biglaang init at lamig, at sa antas ng pagsunod sa Diyos na nakatakip ang mata. Ang uri ng taong ito ang madalas makatanggap ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Diyos, at madalas makisama sa tunay na pakikiisa at pakikipag-usap sa Diyos. Masasabi na ang mga taong nabubuhay sa antas na ito ay naunawaan na ang bahagi ng kalooban ng Diyos; nagagawa nilang mahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan sa lahat ng mga bagay na kanilang ginagawa; alam nila kung paano bibigyang kasiyahan ang nais ng Diyos. Bukod pa dito, natagpuan na rin nila ang landas ng pagkakilala sa Diyos at nagsimula na silang magpatotoo sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa panahon ng proseso nang unti-unting paglago, mayroon silang unti-unting pagkaunawa at kaalaman sa kalooban ng Diyos, sa kalooban ng Diyos sa paglikha sa sangkatauhan, sa kalooban ng Diyos sa pamamahala ng sangkatauhan; dagdag pa dito, unti-unti rin ang kanilang pagkaunawa at kaalaman sa matuwid na disposisyon ng Diyos ayon sa diwa nito. Walang pagkaintindi o imahinasyon ng tao ang makakapalit sa kaalamang ito. Bagaman walang sinuman ang makapagsasabi na sa panglimang antas ay ganap na ang buhay ng isang tao o tawagin ang taong ito na matuwid o kumpleto, ang uri ng taong ito ay nakahakbang na patungo sa antas ng pagiging ganap sa buhay; nakakaya nang lumapit ng taong ito sa harap ng Diyos, na tumayo nang harap-harapan sa salita ng Diyos at nang harap-harapan sa Diyos. Sapagkat ang uri ng taong ito ay nakaranas na ng maraming salita ng Diyos, nakaranas na ng 'di mabilang na mga pagsubok at disiplina, paghatol at pagkastigo mula sa Diyos, ang kanilang pagpapasakop sa Diyos ay hindi na kanya-kanya, kundi tiyak na. Ang kanilang kaalaman sa Diyos ay nagbago na mula sa kawalang malay tungo sa malinaw at tiyak na kaalaman, mula sa mababaw tungo sa malalim, mula sa malabo at maulap tungo sa metikuloso at nasasalat, at nagbago na sila mula sa mahirap na pakapa-kapa at tahimik na paghahanap tungo sa walang hirap na kaalaman at maagap na pagpapatotoo. Maaaring sabihin na ang mga tao sa antas na ito ay nagtataglay na ng reyalidad ng katotohanan sa salita ng Diyos, na nakatuntong na sila sa daan ng pagka-perpekto tulad ni Pedro. Ito ang panlimang uri ng tao, ang nabubuhay sa kalagayan ng pagiging ganap—ang antas ng pagiging matanda.
Oktubre 30, 2014
Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento