Ang paghihirap na naranasan ni Job ay hindi gawain ng mga mensaherong ipinadala ng
Diyos, at hindi rin ito dahil sa kamay ng Diyos. Sa halip, ito ay dulot mismo ni Satanas, ang kaaway ng Diyos. Bilang resulta, malalim ang antas ng paghihirap na naranasan ni Job. Ngunit sa sandaling ito ipinakita ni Job, nang walang pagpipigil, ang kanyang araw-araw na kaalaman sa Diyos sa kanyang puso, ang mga prinsipyo ng kanyang araw-araw na mga gawain, at ang kanyang mga saloobin sa Diyos—at ito ang
katotohanan. Kung si Job ay hindi natukso, kung ang Diyos ay hindi nagdala ng pagsubok kay Job, noong sinabi ni Job, “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” sasabihin mo na ipokrito si Job; binigyan siya ng Diyos ng maraming ari-arian, kaya siyempre binasbasan niya ang pangalan na Jehova. Kung, bago sumailalim sa mga pagsubok, sinabi ni Job na, “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” sasabihin mo na nagmamalaki si Job, at na hindi niya itatakwil ang pangalan ng Diyos dahil madalas siyang pinagpapala ng kamay ng Diyos. Kung nagdala ang Diyos ng sakuna sa kanya, siguradong itatakwil niya ang pangalan ng Diyos. Ngunit noong natagpuan ni Job ang sarili niya sa mga kalagayang walang nagnanais, o nagnanais na makakita, o nagnanais na makaranas, na kinatatakutan ng mga taong sapitin nila, mga kalagayan na hindi kayang pagmasdan kahit ng Diyos, nagawa pa rin ni Job na panghawakan ang kanyang
katapatan: “si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” at “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Nahaharap sa asal ni Job sa oras na ito, natatahimik ang mga nagsasabi ng matatayog na salita, at ang mga nagsasalita ng mga banal na sulat at ng mga aral. Ang mga pumupuri sa pangalan ng Diyos sa salita lang, ngunit hindi pa kailanman tinanggap ang mga pagsubok ng Diyos, ay hinatulan ng katapatan na pinanghawakan ni Job, at ang mga hindi kailanman naniwalang kayang manindigan ng tao sa daan ng Diyos ay hinatulan ng testimonya ni Job. Nahaharap sa pag-uugali ni Job sa panahon ng mga pagsubok at mga salita na kanyang winika, may mga malilito, may mga maiinggit, at may magdududa, at may iba na magmumukhang hindi interesado, hindi maniniwala sa testimonya ni Job dahil hindi lang nila nakikita ang paghihirap na naranasan ni Job sa panahon ng kanyang pagsubok, at nababasa ang mga salitang winika ni Job, nakikita rin nila ang “kahinaan” na ipinamalas ni Job nang dumating ang mga pagsubok sa kanya. Naniniwala sila na ang “kahinaan” na ito ay isang kasiraan sa pagiging perpekto ni Job, isang dungis sa isang tao na perpekto sa paningin ng Diyos.