Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos | Salita ng Diyos | Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa Mga Inápó ni Moab
Sa dalawa hanggang tatlong taon ng gawaing ito, ang dapat sanang nakamit sa gawain ng paghatol na ginawa sa inyo ay pangunahing nagawa na. Karamihan sa mga tao ay isinantabi ang kanilang panghinaharap na mga pagkakataon at kapalaran. Gayunpaman, kapag binabanggit na kayo ang mga inápó ni Moab, marami ang hindi ito matagalan—ang inyong mukha ay tumatabingi, ang inyong bibig ay ngumingiwî, at ang inyong mga mata ay nagiging walang-sigla. Kayo ay hindi basta makapaniwala na kayo ang mga inápó ni Moab. Si Moab ay itinapon sa lupaing ito pagkatapos isumpa. Ang lahi ng anak ni Moab ay naipasa pababa hanggang ngayon, at kayong lahat ang kanyang mga inápó. Wala Akong magagawa—sinong may gawa na maisilang ka sa bahay ni Moab? Naaawa Ako sa iyo at hindi Ako sang-ayon na magkaganito ka, nguni’t ang katunayan ay hindi mababago ng mga tao. Ikaw ay isang inápó ni Moab, at hindi Ko masasabi na ikaw ay isang inápó ni David. Kung kanino ka mang inápó, ikaw ay isa pa rin sa sangnilikha. Kaya lamang ikaw ay isang nilalang na mababa ang katayuan—ikaw ay isang nilalang na mula sa hamak na kapanganakan. Ang buong sangnilikha ay dapat maranasan ang buong gawain ng Diyos, lahat sila ay mga pinag-uukulan ng Kanyang paglupig, at dapat na makita nilang lahat ang Kanyang matuwid na disposisyon, at maranasan ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Ngayon ikaw ay isang inápó ni Moab at dapat mong tanggapin ang paghatol na ito at pagkastigo, kaya kung ikaw ay hindi isang inápó ni Moab, kung gayon hindi ba’t kailangan mo ring tanggapin ang paghatol na ito at pagkastigo? Dapat mong kilalanin ito! Sa katotohanan, ang kasalukuyang paggawa sa mga inápó ni Moab ay pinakamahalaga at pinakamakabuluhan. Yamang ang gawain ay ginagawa sa inyo, ito ay may napakalaking kabuluhan. Kung ang gawain ay ginawa sa mga inápó ni Ham ito ay hindi magiging makabuluhan dahil sila ay hindi mula sa gayong hamak na kapanganakan at ang kanilang mga kapanganakan ay hindi kapareho ng kay Moab. Ang mga inápó ng pangalawang anak ni Noe na si Ham ay isinumpa lamang—sila ay hindi nagmula sa pakikiapid. Sila nga lamang ay may mababang katayuan, dahil isinumpa sila ni Noe at sila ay mga alipin ng mga alipin. Sila ay may mababang katayuan, subali’t ang kanilang orihinal na kahalagahan ay hindi mababa. Tungkol kay Moab, alam ng mga tao na siya sa pasimula ay may mababang katayuan sapagka’t ipinanganak siya mula sa pakikiapid. Bagaman ang katayuan ni Lot ay napakataas, si Moab ay nagmula kay Lot at sa kanyang anak na babae. Bagaman si Lot ay isang matuwid na tao, si Moab ay ang pinag-ukulan pa rin ng sumpa. Si Moab ay may mababang halaga at may mababang katayuan, at kung hindi man siya isinumpa siya ay mula sa karumihan, kaya siya ay iba kay Ham. Hindi siya kumilala at lumaban, nagrebelde laban kay Jehova, ang dahilan kung bakit siya ay nahulog tungo sa pinakamadilim na mga lugar. Ang paggawa ngayon sa mga inápó ni Moab ay pagliligtas sa mga yaon na nahulog tungo sa pinakamatinding kadiliman. Bagaman sila ay isinumpa, ang Diyos ay handang magkamit ng kaluwalhatian mula sa kanila. Ito ay sapagka’t sa pasimula, silang lahat ay mga tao na walang Diyos sa kanilang mga puso—ang magawa lamang sila na mga yaong tumatalima at nagmamahal sa Kanya ay tunay na paglupig, at ang gayong bunga ng gawain ay ang pinakamakabuluhan at pinakakapani-paniwala. Ito lamang ang pagkakamit ng kaluwalhatian—ito ang kaluwalhatian na nais makamit ng Diyos sa mga huling araw. Bagaman ang mga taong ito ay may mababang katayuan, sila ngayon ay may kakayahang makamit ang gayon kadakilang kaligtasan, na tunay na pagtataas ng Diyos. Ang gawaing ito ay napakamakahulugan, at ito ay sa pamamagitan ng paghatol kaya nakakamtan Niya ang mga taong ito. Hindi Niya sinasadyang parusahan sila, kundi dumating Siya upang iligtas sila. Kung isinasagawa pa rin Niya ang gawain ng paglupig sa Israel sa panahon ng mga huling araw ito ay magiging walang-halaga; kung ito man ay magkaroon ng bunga, hindi ito magkakaroon ng anumang halaga o anumang malaking kabuluhan, at hindi Niya makakamit ang lahat ng kaluwalhatian. Siya ay gumagawa sa inyo, iyan ay, yaong mga nahulog tungo sa pinakamadilim na mga lugar, yaong mga pinakapaurong. Ang mga taong ito ay hindi kumikilala na mayroong isang Diyos at kailanman ay hindi nakaalam na mayroong isang Diyos. Ang mga nilalang na ito ay ginawang tiwali ni Satanas hanggang sa punto na nakalimutan na nila ang Diyos. Sila ay nabulag ni Satanas at wala silang kaalam-alam na mayroong isang Diyos sa langit. Sa inyong mga puso kayong lahat ay sumasamba sa mga diyus-diyosan, sinasamba si Satanas—hindi ba kayo ang pinakahamak, ang pinakapaurong na mga tao? Kayo ang pinakahamak sa laman, walang anumang pansariling kalayaan, at nagdurusa rin kayo ng mga kahirapan. Kayo rin ang mga tao sa pinakamababang antas sa lipunang ito, na wala kahit ang kalayaan ng pananampalataya. Ito ang kabuluhan ng paggawa sa inyo. Ang paggawa sa inyo ngayon, mga inápó ni Moab, ay hindi para sadyang hamakin kayo, kundi para ibunyag ang kabuluhan ng gawain. Ito ay isang dakilang pag-aangat para sa inyo. Kung ang isang tao ay may katwiran at kabatiran, sasabihin niya: “Ako ay isang inápó ni Moab. Tunay na hindi ako karapat-dapat sa ganito kadakilang pag-aangat ng Diyos na aking natanggap ngayon, o sa gayong dakilang mga pagpapala. Ayon sa aking ginagawa at sinasabi, at batay sa aking estado at kahalagahan—ako ay walang-pasubaling hindi karapat-dapat sa gayong kadakilang mga pagpapala mula sa Diyos. Ang mga Israelita ay may dakilang pag-ibig sa Diyos, at ang biyaya na kanilang tinatamasa ay ipinagkaloob Niya sa kanila, nguni’t ang kanilang estado ay lalong higit na mataas kaysa sa atin. Si Abraham ay napakatapat kay Jehova, at si Pedro ay napakatapat kay Jesus—ang kanilang katapatan ay nakahihigit sa atin ng makaisandaang ulit, at batay sa ating mga pagkilos tayo ay walang-pasubaling hindi karapat-dapat sa pagtatamasa ng biyaya ng Diyos.” Ang paglilingkod ng mga taong ito sa Tsina ay hindi maaaring madala sa harap ng Diyos kahit kailan. Ito ay ganap na magulo, at ang lubhang pagtatamasa ninyo ngayon ng biyaya ng Diyos ay totoong pagtataas ng Diyos! Kailan ba ninyo nahanap ang gawain ng Diyos? Kailan ba ninyo naisakripisyo ang inyong buhay para sa Diyos? Kailan ba ninyo naisuko ang inyong pamilya, inyong mga magulang, at ang inyong mga anak? Wala sa inyong nakabayad ng malaking halaga! Kung hindi sa paglalabas ng Banal na Espiritu sa iyo, ilan sa inyo ang makakayang isakripisyo ang lahat? Dahil lamang sa kayo ay napuwersa at napilitan kaya kayo ay nakasunod hanggang ngayon. Nasaan ang inyong debosyon? Nasaan ang inyong pagsunod? Batay sa inyong mga pagkilos, matagal na sana kayong winasak—dapat sana ay winalis kayo nang malinis. Anong karapatan ninyo na magtamasa ng gayong kalaking mga pagpapala—kayo ay ganap na hindi karapat-dapat! Sino sa gitna ninyo ang bumuo ng kanyang sariling landas? Sino sa gitna ninyo ang nakasumpong sa totoong daan sa kanyang sarili? Kayong lahat ay tamad at matakaw, walang-kwentang hampaslupa na buong-kasakiman na nagpapasasà sa kaginhawahan! Palagay ba ninyo ay napakadakila ninyo? Ano’ng inyong ipagyayabang? Kahit na hindi Ko sinabing kayo ay mga inápó ni Moab, ang inyo bang kalikasan, ang inyong lugar ng kapanganakan ang pinakamataas? Kahit na hindi Ko sinabing kayo ay mga inapo ni Moab, hindi ba kayong lahat ay tunay na mga anak ni Moab? Ang katotohanan ba ng mga katunayan ay mababago? Ang paglalantad ba ng inyong kalikasan ngayon ay sumasalungat sa katotohanan ng mga katunayan? Tingnan kung gaano kayo kaalipin, ang inyong mga buhay, ang inyong mga pag-uugali—hindi ba ninyo alam na kayo ang pinakamababa sa lahat ng mababa sa gitna ng sangkatauhan? Ano’ng inyong ipagyayabang? Tingnan ang inyong katayuan sa lipunan. Hindi ba’t kayo ay nasa pinakamababang antas? Palagay ba ninyo ay nagkamali Ako sa pagsasalita? Inialay ni Abraham si Isaac. Ano’ng inyong naialay? Inialay ni Job ang lahat ng bagay. Ano’ng inyong naialay? Napakaraming tao ang nagbigay ng kanilang mga buhay, nagtayâ ng kanilang mga ulo, nagbuhos ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nakabayad ba kayo ng halagang iyan? Sa pagkukumpara, kayo ay hindi kailanman kwalipikadong magtamasa ng gayong kalaking biyaya, kaya nagkakamali ba sa inyo kung sabihin ngayon na kayo ang mga inápó ni Moab? Huwag ninyong tingnan ang inyong mga sarili nang napakataas. Wala kang maipagyayabang. Ang gayong kadakilang kaligtasan, gayong kalaking biyaya ay ibinigay sa inyo nang libre. Wala kayong naisakripisyo, nguni’t basta nagtamasa ng biyaya nang libre. Hindi ba kayo nahihiya? Ang tunay na daang ito ba ay isang bagay na nasumpungan ninyo sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng paghahanap? Hindi ba’t ang Banal na Espiritu ang pumilit sa inyo na tanggapin ito? Kayo ay hindi kailanman nagkaroon ng puso sa paghahanap at sa partikular ay wala kayong mga puso ng paghahanap ng katotohanan, ng pananabik sa katotohanan. Nangakaupo lamang kayo at nasisiyahan dito, at nakamit ninyo ang katotohanang ito nang walang pagsisikap sa inyong bahagi. Ano’ng inyong karapatan na dumaing? Palagay mo ba ay ikaw ang pinakamahalaga? Kumpara sa mga yaon na nagsakripisyo ng kanilang mga buhay at nagbubô ng kanilang dugo, ano’ng inyong maidaraing? Ang pagwasak sa inyo ngayon din ay kusang darating! Bukod sa pagtalima at pagsunod, wala kayong iba pang pagpipilian. Kayo ay basta hindi karapat-dapat! Karamihan sa inyo ay tinawag, nguni’t kung hindi kayo napilit ng kapaligiran o kung hindi kayo natawag, kayo ay lubos na hindi handang lumabas. Sino ang handang talikdan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Sino ang handang iwan ang mga kasiyahan ng laman? Kayong lahat ay mga tao na buong-kasakiman na nagpapasasà sa kaginhawahan at naghahanap ng isang maluhong pamumuhay! Kayo ay nagkamit ng gayong kalaking mga pagpapala—ano pa ang inyong masasabi? Ano’ng inyong mga idinaraing? Nagtamasa kayo ng pinakadakilang mga pagpapala at ng pinakadakilang biyaya sa langit, at ang gawain ay naibunyag ngayon sa inyo na hindi pa kailanman nagawa sa lupa noong una. Hindi ba ito isang pagpapala? Dahil kayo ay lumaban at nagrebelde laban sa Diyos, kayo ngayon ay sumailalim sa ganito katinding pagkastigo. Dahil sa pagkastigong ito nakita ninyo ang habag at pag-ibig ng Diyos, at higit pa nakita ninyo ang Kanyang pagkamatuwid at kabanalan. Dahil sa pagkastigong ito at dahil sa karumihan ng sangkatauhan, inyong nakita ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, at inyong nakita ang Kanyang kabanalan at kadakilaan. Hindi ba ito ang pinakamadalang sa mga katotohanan? Hindi ba’t ito ay isang buhay na may kahulugan? Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay punô ng kahulugan! Kaya mas mababa ang inyong katayuan, mas ipinakikita nito ang pagpapataas ng Diyos, at mas pinatutunayan nito kung gaano kahalaga ang Kanyang gawain sa inyo ngayon. Ito ay isang kayamanang walang-katumbas na halaga! Hindi ito makukuha kahit saan, at sa pagdaan ng mga kapanahunan walang sinuman ang nakapagtamasa ng gayong kadakilang kaligtasan. Ang katunayan na ang inyong katayuan ay mababa ay nagpapakita kung gaano kadakila ang pagliligtas ng Diyos, at ipinakikita nito na ang Diyos ay tapat sa sangkatauhan—Siya ay nagliligtas, hindi nagwawasak.